Naniniwala ang opisyal ng social communications ministry ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines na lubhang mapanganib ang binabalak ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na isama ang social media sa pangangasiwaan nito sa ilalim ng anti-terror law.
Ayon kay Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr., chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Communications, ang plano ng Armed Forces of the Philippines ay labag sa Saligang Batas.
"On the plan of the AFP to include Social Media sa surveillance under the Anti-Terror Law, I believe that this inclusion will be another dangerous element to be added to the already controversial and highly contested law; I believe this would just be another window for abuse in the already questionable law," pahayag ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Ang mensahe ng obispo ay kasunod ng pahayag ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay na isama ang social media sa babantayan sa ilalim ng Anti-Terror Law sapagkat ginagamit ito ng mga terorista.
Ikinatwiran ng AFP Chief sa pamamagitan ng social media mas nakakahimok at nakakapag-recruit ang mga terorista at nakapagpa-plano ng mga pang-atake sa pamahalaan.
Nilinaw ni Bishop Maralit na mahirap paniwalaan ang tunay na layunin ng naturang batas lalo't patuloy ang pamamayagpag ng "subjective brandings" lalo na sa mga indibidwal at institusyong pumupuna sa pamamahala ng kasalukuyang administrasyon.
"No matter how much we are assured that it is only for those who really pose a threat to national security, it is truly hard to see the objectivity of this point when we continue to witness subjective brandings or biased profiling of people or institutions," saad pa ni Bishop Maralit.
Inihalimbawa ng Obispo ang pagturing sa mga healtworkers na rebolusyunaryo dahil sa pagsasapubliko ng kanilang mga hinaing kaugnay sa pagtugon sa krisis na dulot ng corona virus pandemic.
Iginiit ni Bishop Maralit na malalabag ang karapatang pantao ng isang indibidwal na pinaghihinalaang terorista kung walang matibay na ebidensya at walang warrant of arrest.
Hugas-kamay naman si Presidential Spokesperson Harry Roque sa personal na opinyon ng pinuno ng AFP na hindi sumasalamin sa paniniwala ng pamahalaan.
Kasalukuyang nakahain sa Korte Suprema ang 12 petisyon na muling suriin ang nasabing batas at liwanagin ang mga probisyong napapaloob dito. —LBG, GMA News