Isang lalaki ang nakitang nakagapos sa poste ng kuryente at nakabalot ang mukha sa Quezon City nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Dobol B sa News TV, nakita ng isang street sweeper bandang alas-5 ng umaga ang lalaki sa poste sa gilid ng opisina ng National Power Corporation sa may Agham Road.
FLASH REPORT: Lalaking nakagapos at nakabalot ng tape ang mukha, natagpuan sa isang poste ng kuryente sa gilid ng NAPOCOR sa Quezon City. | via @jhomer_apresto pic.twitter.com/tWNPYqdas3
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 31, 2020
Nakabalot ang buong mukha nito ng electrical tape.
Nakasuot ng dilaw na T-shirt at pulang shorts ang lalaki. Wala itong tsinelas.
May tattoo rin daw ito sa kanang binti.
Hindi na gumagalaw ang lalaki at nakatingala ito.
Nitong pasado alas-7 ng umaga ay nandoon pa sa lugar ang lalaki. Hinihintay ng mga taga-barangay ang padating SOCO ng pulisya. —KG, GMA News