Nagsimula na ang operasyon ngayong Biyernes ng drive-in cinema sa San Fernando, Pampanga bilang bahagi ng "new normal" para sa mga mahilig manood ng sine ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sa ulat ni Jaime Santos sa GMA News "24 Oras," makikitang sinusuri ng mga guwardiya ang mga sasakyang papasok sa amphitheater ng isang mall.
Mayroong dalawang screening ang drive-in cinema [5:30 PM at 8:20 PM], at "Train 2 Busan: Peninsula" ang palabas sa halagang P400 bawat isang manonood, at may kasama nang snack.
Bilang pagsunod naman sa health protocols, hanggang apat katao lamang [ edad 21 hanggang 59] ang papayagan sa loob ng sasakyan at dapat magsuot sila ng face mask.
Sa loob ng sasakyan, mapapanood ang pelikula sa 20 meter x 8 meter na screen at mapapakinggan ang audio nito sa radio frequency na ibibigay ng staff.
Kaya raw mag-acccomodate ng drive-in cinema ng hanggang 90 sasakyan sa bawat screening. At dahil marami umano ang interesado, posibleng magdagdag pa raw sila ng screening.
Maaaring mabili ang tiket para sa drive-in cinema via online.--FRJ, GMA News