Tiniyak ni Housing Secretary at Task Force Bangon Marawi (TFBM) Chairman Eduardo del Rosario na matatapos ang rehabilitasyon sa Marawi City bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pahayag ay ginawa ni Del Rosario matapos punahin ni Deputy Speaker at Basilan Representative Mujiv Hataman na hindi nabanggit ni Duterte sa kaniyang nakaraang State of the Nation Address (SONA) ang plano ng pamahalaan sa pagbangon ng Marawi na nawasak sa digmaan laban sa mga teroristang grupo.
“As committed, the rehabilitation of government infrastructures in Marawi City will be completed within the term of our President. That is his order and that will be done,” sabi ni Del Rosario sa pahayag.
Isa umano sa mga katibayan nito ay ang pag-apruba ni Duterte na ipalabas nitong nakaraang Abril at Mayo ng P3.56 bilyon na pondo para sa rehabilitasyon ng lungsod.
Una rito, nagpahayag ng pangamba si Hataman na baka makalimutan ng pamahalaan ang rehabilitasyon ng Marawi ngayong dalawang taon na lang ang nalalabi sa termino ni Pangulong Duterte.
Ngunit ayon kay Del Rosario, nasusunod nila ang mga nakatakdang gawin sa ilalim ng Master Developmeny Plan para sa rehabilitasyon ng Marawi.
“In fact, we are on track. We are on target to finish most, if not all, public infrastructures by December 2021 as embodied in our Master Development Plan,” sabi ng pinuno ng TFBM.
Idinagdag ni Del Rosario na nagsimula na ang full-scale construction works ngayong Hulyo para sa iba't ibang proyekto sa itinuturing "ground zero" o most affected areas (MAA) ng kaguluhan sa Marawi.
Kabilang umano rito ang pagbabalik na ng power supply sa Sectors 1 at 2 ng MAA, ang ongoing construction sa Grand Padian Market, Marawi Museum, Peace Memorial at 24 barangay halls na may mga madrasah at health center.
Kasama rin umano ang nakatakdang pagggawa sa historic Dansalan Bato Ali Mosque, ang ground breaking ng Marawi City Fire Station at four-story 20-classroom Integrated School, na pawang nasa MAA.
“I just visited MAA last July 15 and 16 and I saw for myself the ongoing full-scale construction works. So, I can assure the good congressman that the rehabilitation is on track,” sabi ni Del Rosario.
“I urge Congressman Hataman to go to Marawi City to see for himself our ongoing efforts within the MAA that started immediately after the easing down of the quarantine,” dagdag niya.
Sa labas ng “ground zero,” sinabi ni Del Rosario na buhay na ang economic activities gaya ng idineklara ni Marawi City Mayor Majul Gandamra sa nakaraang press conference.
Sinabi ng alkalde na 1,500 percent na umano ang pagtaas ng revenue collections sa taong ito kumpara noong naganap ang 2017 siege na isinagawa ng Maute terrorist group, ayon sa opisyal. --FRJ, GMA News