Makaraang gumaling sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) noong Abril, muling nagpositibo sa virus si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.
Sinabi ni Zubiri sa mga mamamahayag na nagnegatibo siya sa tatlong COVID-19 rapid test, pero nagpositibo naman sa mas inirerekomendang swab test.
“To allay the rumors on why I was not able to attend the SONA presentation in the Batasan is because even after three rapid tests that showed that I was negative for COVID-19 but possessing antibodies with positive IGg,” sabi ng senador.
“My swab test, however, showed that I was positive once more for COVID. According to doctors, it is possible that the test detected remnants of the dead virus cells in my body as I am a COVID survivor,” paliwanag niya.
Nakatakda sanang dumalo ang senador sa ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Bilang pag-iingat, sumailalim muli siya sa quarantine at ipinagpaliban ang lahat ng mga appointment.
Magpapa-swab test muli ang senador sa Lunes ng hapon "for confirmation.”
“I feel absolutely fine, wala po akong nararamdaman at wala po akong mga symptoms. But it's better to be safe and to keep everyone safe from this virus. And I will continue to work from isolation virtually until I get my consecutive negative results after quarantine,” patuloy niya.
Samantala, hindi na rin dumalo sa SONA ni Duterte si Sen. Sherwin Gatchalian kahit nagnegatibo siya sa swab test dahil nagkaroon siya ng "contact" sa isang tao na nagpositibo sa COVID-19.
“Hindi na ako nakapunta sa House [of Representatives) dahil self-quarantine na ako. I came in contact with someone who tested positive in the Senate,” paliwanag niya.--FRJ, GMA News