Ipinagpalit ng isang guro ang kaniyang pinakaiingat-ingatang projector kapalit ng mga bond paper at printer ink para makagawa ng learning modules na ipinamamahagi niya sa mga batang estudyante sa San Pedro, Laguna.
Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing ginamit ng gurong si Edelyn Nicol ang kaniyang projector sa loob ng limang taon na pagtuturo. Ngunit pinakawalan niya ito sa isang online barter upang matulungan ang mga batang estudyante sa gitna ng hybrid learning system dahil sa COVID-19 pandemic.
“Ang target ko po ay mga kinder, mga magsisimula pa lang mag-aral para ma-encourage silang pumasok,” ani Nicol.
“Tapos nagbigay po ako ng infographics na kung sino ‘yong mga may gusto na mga magulang na willing turuan kanilang anak sa bahay at magbibigay po ako ng mga libreng booklet sa kanila,” dagdag pa ng guro.
High school daw talaga ang tinuturuan ni Nicol pero pakiramdam niya, responsibilidad pa rin niyang tulungan ang ibang mga estudyante lalo pa't panahon ng pandemya at maraming pinanghihinaan ng loob na mag-aral.
“Kasi po noong maliit pa po kami, I think I was high school noon, sa squater area po kami before, may mga bata po doon na nagti-teacher-teacher-an lang. Tapos ngayon mga college graduate na rin po sila so sabi ko effecitive ‘to na kapag may nakikita silang isang tao na tumutulong sa kanila, nandoon ‘yong will nila na, ‘ay balang araw ganito rin ako,’” paliwanag niya.
Para kay Nicol, sapat na raw ang natatanggap niyang mensahe ng pasasalamat mula sa mga magulang na ngayon ay natuturuan na ang kanilang mga anak dahil sa booklet na ginawa niya.
“Masarap po sa pakiramdam na nakakatulong. Kung kaya ko nga lang pong tumulong pa doon sa mas malaking community kaya lang limited po ‘yung resources eh,” ani Nicol.--Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News