Bagama't may mga nakasakay na ng barko pauwi, maraming locally stranded individuals (LSIs) ang naiwan pa rin sa Manila North Port Terminal, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Huwebes.
Pasado hatinggabi nang makaalis ang barkong may biyaheng Dumaguete at Zamboanga sakay ang mahigit 300 pasahero.
Sa labas naman ng pier, nananatili pa rin ang maraming LSIs na naghihintay ng kanilang biyahe. Marami sa kanila, ilang araw nang nasa pier.
Ayon sa ilang nakapanayam ng GMA News, problema ng ilang LSIs ang paulit-ulit na kanselasyon ng biyahe nila.
Samantala, Huwebes nang umaga nang papasukin sa terminal ang mga pasaherong papunta ng Ozamiz City dahil may isang barko raw na babiyahe papunta roon.
PANOORIN: (As of 6:10 am) Ganito ang sitwasyon sa Manila North Port Terminal.
— Isa Avendaño-Umali (@Isa_Umali) July 22, 2020
Pinapapasok na ang mga pasahero na biyaheng Iligan at Ozamiz dahil inaasahang may mga barko na makakalayag ngayong araw. @dzbb pic.twitter.com/qgREXvGiZw
Bagama't pinaaalalahanan ng mga otoridad ang mga pasahero na huwag magdikit-dikit alinsunod sa health protocol na social distancing, hindi na rin ito gaano natutupad dahil na rin sa dami ng tao. —KBK, GMA News