Inulan ng donasyon ang batang si Rondel Sta. Ana matapos mag-viral sa social media ang litrato niya na nagbabantay ng aso ng isang babaeng may kinakailangang bilhin sa loob ng coffee shop kung saan bawal ang hayop.
Ayon sa ulat ni JP Soriano sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, ugali ng 12-taong-gulang na bata na magpunta sa mall mula nung nagsimula ang COVID-19 pandemic para manghingi ng makakain ng kaniyang pamilya.
Kuwento ng may-ari ng aso na si AJ Soriano, nag-volunteer si Rondel na bantayan ang alaga niya habang nasa loob siya ng coffee shop. Nang nasa loob na siya ng shop, nakita niya kung paano naging magkaibigan si Rondel at ang kaniyang alagang si Mazey.
Naging viral ang mga litrato ni Rondel at Mazey, at nang malaman ng netizens ang malungkot na kalagayan ng bata ay nagpadala sila ng tulong.
Ang perang pinadala ng netizens, ginamit ni AJ para pambili ng grocery para kay Rondel at pamilya nito. Bukod sa groceries, nakatanggap din ng bagong mga damit si Rondel mula sa manufacturer ng suot niya sa mga viral na litrato.
Ang GMA News naman ay nagbigay ng face masks sa pamilya ni Rondel.
“Hindi ko nga po talaga ine-expect na magva-viral kasi sa totoo lang po mahilig po talaga siya sa hayop,” anang ina ni Rondel na si Nerissa Mabini.
Ayon pa kay Nerissa, tumatakas lang si Rondel sa kanilang bahay para magpunta sa mall. Alam daw niya na bawal lumabas ang mga bata sa ilalim ng general community quarantine.
Samantala, naging madalas na bisita naman ni Rondel si AJ sa kanilang bahay.
Napag-alamang dapat ay Grade 6 na si Rondel sa darating na pasukan ngunit hindi siya nakapag-enroll dahil hindi na kaya ng kaniyang magulang na siya ay pag-aralin.
Ayon kay Rondel, pangarap niya na maging pulis paglaki niya. Bukod dito, matagal na rin daw niyang gustong magkaroon ng alagang aso. —KBK, GMA News