Isang babaeng positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nakatakas sa tinutuluyan niyang hotel na ginawang isolation facility sa Quezon City. Ang lokal na pamahalaan, nagulat dahil inakala nilang quarantine facility lang para sa mga OFW na naghihintay ng resulta ng COVID-19 test ang hotel pero ginawa na palang isolation facility ng mga positibo sa virus.
Ayon sa ulat ni Saleema Refran sa GMA news “24 Oras” nitong Miyerkules, ipinakita ang video nang makuhanan ang isang babae na nasa damuhan sa Barangay Greater Lagro noong Linggo ng hapon matapos niyang makipaghabulan sa ilang lalaki sa kalapit na hotel.
“Tumakbo siya dito. Hinabol sila dito ng mga boy, tsaka nu’ng babae. Pagdating doon parang namalo ng dalawang sasakyan doon na nakaparada bago siya makarating ng club house,” ayon sa residenteng Raul Sevilla.
“Nag-stay lang siya doon sa damuhan hanggang dumating na ‘yung mga pulis, may kasamang nakasuot ng PPE, kinuha na siya,” idinagdag nito.
Ayon kay Sevilla, hindi nagpaliwanag ang mga awtoridad ukol sa pangyayari.
Nitong nakaraang Lunes, nag-surprise inspection sa nasabing hotel ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, Quezon City Police District, at barangay. At sila ang nasorpresa nang malaman nilang isolation facility na ng mga nagpositibo sa COVID-19 ang hotel, na noong una ay quarantine facility lang para sa mga OFW.
Ayon sa lokal na pamahalaan, mga tauhan mula sa Bureau of Quarantine ng Department of Health ang nagpapatakbo sa hotel.
“Apparently, this guest is part of the 75 COVID-positive asymptomatic who are all staying in that property," sabi ni Tetta Tirona mula sa Tourism Board ng lungsod.
"If you look at the hotel right now there’s no cordon sanitaire. Constituents are walking within, siguro less, two to three meters proximately to the entrance of that hotel,” idinagdag nito.
Ayon sa lokal na pamahalaan, nakapaglatag raw sana sila ng sapat na health at safety measures sa lugar kung inabisuhan sila nang maayos.
Sabi naman ng abogado ng hotel, kinontrata raw sila ng gobyerno upang gamiting quarantine facility ng mga OFWs ang pasilidad.
“We regret that one of our beneficiaries, who suffers from a non-apparent cognitive ailment, managed, during an impaired state, to pass through a secured, locked, and unused backdoor,” ani Atty. Harold Respicio.
“She has since been recovered and taken under a specialized quarantine measure. Her external contacts have also been taken under similar measures,” idinagdag nito.
Tiniyak din ni Respicio, na magdadagdag pa ng security personnel ang hotel.
“The facility has installed additional security personnel to man the areas where persons should keep away, including all possible entry and exit points. All persons with other conditions have been transferred to other facilities,” ani Respicio. --Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News