Matapos ianunsiyo na nagpositibo siya sa COVID-19, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na isa raw itong paalala sa lahat kung gaano katindi ang virus dahil nahawahan siya sa kabila ng mga ginawang pag-iingat.
"Nais ko pong ipahayag sa lahat ng aking minamahal na QCitizens na ako po ay nagpositibo sa aking huling COVID-19 test," saad ni Belmonte sa pahayag nitong Miyerkules na naka-post sa Facebook page ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.
"Nagpapasalamat po ako na agad itong natuklasan," dagdag pa ng alkalde na "asymptomatic" o walang ipinapamalas na sintomas ng sakit.
Masusi umano niyang sinusunod ngayon ang patakaran ng Department of Health kaugnay sa quarantine protocols.
Dinapuan umano siya ng virus sa kabila ng ibayo niyang pag-iingat tulad ng pagsusuot ng ng facemask, madalas na paghugas ng kamay, at social distancing.
"Kaya sana ay magsilbi itong paalala na ang COVID-19 ay tunay na isang kakaibang sakit na dapat pag-ingatan pa nang lubusan," payo niya.
Hindi naman daw nagulat si Belmonte nang malaman na nagpositibo siya sa virus dahil bumibisita siya sa mga health center, ospital at mga lugar sa lungsod na nakapailalim sa special concern lockdown dahil COVID-19.
Sinimulan na rin umano ng Epidemiology and Surveillance Unit ng QC ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng alkalde.
Pansamantala ring isinara ang tanggapan ni Belmonte at ilan pang lugar sa city hall para isailalim sa disinfection.
Tiniyak naman na hindi maapektuhan ang operasyon ng city hall kapag pa nagpositibo sa virus ang alkalde at naka-quarantine.
"Bagama't limitado ang aking pagkilos, mananatili po akong nakatutok sa kalagayan at pangangailangan ng buong Quezon City," ayon kay Belmonte. —FRJ, GMA News