Isang babaeng Chinese ang nahuli-cam na may hawak ng payong at nanakit ng isang siklista sa gitna sa Makati. Kinalaunan, nagwala raw ulit ang dayuhan sa isang restaurant at nandura naman ng isang security guard.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng siklista na nais raw ng babae na tumawid sa panulukan ng Jupiter at Makati Avenue kahit pinipigilan siya ng isang traffic enforcer.
"Gusto niyang tumawid, pinipigilan siya ng enforcer dahil naka-go 'yung gusto niyang tawiran. Pinuntahan niya ngayon sa yellow box 'yung enforcer. Doon na niya binanatan," kuwento ni Jefferson Reyes.
"Sinusubukang tumakbo nung enforcer, doon na ho ako sumigaw hanggang sa lumapit siya sa akin, ako naman 'yung binalingan niya," dagdag niya.
Ayon naman kay Ronel Cancio, public safety department officer, pinipilan niya ang babae na tumawid dahil may may sasakyan at baka ito mabangga.
"Pinahihinto niya 'yung mga sasakyan, eh. Kaya agad ako lumapit sa kaniya para anuhin ko baka kasi mabangga po siya. Eh, paglapit ko po, ako naman po 'yung binalingan niya," ani Cancio.
Nakita rin sa video na dinuro-duro ng babaeng dayuhan ang siklista, sinipa ang bisikleta nito, tinusok ng payong at pinalo pa ulo.
Pero sa kabila nito, hindi gumanti o lumaban ang siklista.
Lumapit na rin ang isa pang traffic officer na si Narciso Abrogar para awatin ang dayuhan pero siya man ay inatake ng babae.
"Parawang wala siya sa sarili niya, sir. Naglalakad siya tapos pagmay-nakita siyang tao, sinasaktan niya. Kailangan niya pa rin harapin 'yung batas dahil kasi may batas tayo, sir," ani Abrogar.
Pinagbalingan din ng dayuhan ang kumukuha ng video.
Sa isa pang video, nakitang nakaposas na ang dayuhan habang nakaupo sa sahig matapos na magwala naman sa isang kainan at nanira ng mga lamesa.
Nakuhanan rin itong dinuruan ang rumespondeng guwardiya.
Hindi nakuhanan ng pahayag ang babae dahil hindi raw ito marunong mag-ingles.
Aalamin naman kung may problema siya sa pag-iisip o naka-droga-- Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News