Patay ang isang kagawad at officer-in-charge ng 484 Zone 48 matapos siyang pagbabarilin habang nakikipagpulong sa loob ng barangay hall sa Sampaloc, Maynila. Ang biktima, pumalit lang sa dating kapitana ng barangay na binansagang "Manila Drug Queen."

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si kagawad Antonio Calma Jr.

Makikita sa isang footage ng loob ng barangay hall na kasamang nakikipagpulong ni Calma ang dalawa pang kagawad at dalawang tanod Huwebes ng gabi nang biglang pumasok ang salarin ang pinagbabaril ang biktima.

Hindi pa nakuntento ang isang gunman na bumalik pa at muli siyang pinaputukan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na huminto ang sinasakyan ng tatlong suspek malapit sa barangay hall at pinadapa ang mga tanod na nagbabantay sa barangay outpost.

Umabot sa 14 basyo ng baril ang nakita ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.

"Base na rin doon sa information na nakuha natin, tatlo itong mga suspek na ito. ['Yung isa] malamang nandoon lang din, tumatayong security doon sa area," sabi ni Police Captain Philip Ines, PIO ng Sampaloc Police Station.

Naging kontrobersyal ang Barangay 484 Zone 48 nang bangsagan ng Manila Police District ang dating chairman nito na si Guia Gomez Castro bilang "Manila Drug Queen."

Kasalukuyang pinaghahanap si Castrom na pinalitan ng biktima mula nang mawala ito. Gayunman, hindi pa masabi ng pulisya kung may kinalaman si Castro sa nangyaring krimen.

"'Yung area isa sa mga hotspot area natin 'yan with regards sa drugs kasi dito 'yan sa may area ng kung tawagin namin ay bureau. Tinitingnan po lahat ng anggulo at hanggang ngayon ay ongoing pa," sabi ng opisyal.

Sinusuri na rin ng pulisya ang mga CCTV para malaman ang dinaanan ng mga salarin.--Jamil Santos/FRJ GMA News