Nagpositibo umano sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang security guard na nang-hostage ng duktor sa East Avenue Medical Center noong Martes.
Sa ulat ni Allan Gatus sa "Dobol B sa News TV" nitong Biyernes, sinabing ang impormasyon ay ibinigay ni Quezon City Police District chief Police Brigadier General Ronnie Montejo.
Ayon kay Montejo, nakaranas umano ng paninikip ng dibdib ang dinakip na suspek na si Hilarion Achondo, kaya dinala siya sa Quirino Memorial Medical Center at doon nalaman na positibo siya sa virus.
Isinailalim na umano sa quarantine ang mga pulis na rumesponde nang mangyari ang pangho-hostage ni Achondo.
Sa hiwalay na panayam sa "Dobol B sa News TV," sinabi ni EAMC emergency room head Dr. Willie Saludares, na hindi requirement sa mga tauhan nilang nasa lugar ng hostage taking na sumailalim sa self quarantine.
Aniya, nakasuot ng sapat na proteksyon ang mga tauhan nila sa emergency room.
"'Yun naman pong pinagdalhan sa pasyente ay 'yun naman po 'yung aming COVID emergency room so lahat po ng suspect doon po dinadala kaya ang mga tauhan po namin doon ay naka-complete na PPE," paliwanag ni Saludares.
"Mayroon naman po kasing pag-aaral na ginawa na pagka ang pasyente at doktor ay protektado pareho, naka-mask at PPE, maliit naman po ang tsansa na mahawa..." dagdag niya.
Tuloy din umano ang operasyon ng kanilang ospital. —FRJ, GMA News