Dalawang babaeng suicide bomber ang minamatyagan umano ng apat na sundalong napatay ng mga pulis sa Jolo, Sulu. Ayon sa pinuno ng Philippine Army, ang mga nakatakas na suicide bomber ay kaya raw magsagawa ng katulad na Jolo Cathedral bombing.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News“24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni Army chief Lieutenant General Gilbert Gapay, na mga nakaantabay na sundalong bahagi ng “takedown team” ang nakita sa CCTV na dumating sakay ng truck sa lugar kung saan naganap ang "shooting" incident at napatay ng mga pulis ang apat na tauhan ng intelligence unit ng Army noong Lunes.
Ayon kay Gapay, mga asawa ng mga lalaking suicide bomber na pinasabog ang sarili sa Indanan, Sulu noong 2019 ang minamatyagan ng mga napatay na sundalo.
“These are the suspected bombers. So nando’n na, they’re about to capture them, ‘yung bahay na lang pini-pinpoint, and we lost the opportunity,” anang opisyal.
“Imagine, these two could make two more Jolo Cathedral bombings ha. ‘Yun ang potential nila,” dagdag ni Gapay.
READ: Jolo cathedral bombing death toll rises to 23
Una rito, sinabi ng pulisya na nasita ng mga pulis ang apat na sundalong nakasibilyan at inutusan silang magtungo sa presinto para maberipika kung talagang mga sundalo sila.
Pero hindi umano nagtungo sa presinto ang mga sundalo kaya tinugis sila na nauwi na sa pamamaril at pagkakapatay sa mga biktima.
Tinawag naman ni Gapay na "malisyoso" ang pagpapalabas ng CCTV na makikita ang ilang armadong lalaki na ginalaw ang mga bangkay ng mga nasawing sundalo sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Unang inakala na mga pulis ang gumalaw sa mga bangkay pero kinalaunan ay nilinaw ng militar na mga sundalong rumesponde sa lugar ang mga ito.
Inilinaw din ng militar na kapatid ng isa sa mga biktima ang sundalong lumapit sa isa sa mga bangkay at nagbukas ng pinto ng sasakyan.
“I ordered to further look into that video and I also ordered to look for that portion. I am looking for the 2:30 to 2:47 because that portion, that segment will show the actual shooting. Nawawala ‘yun,” ani Gapay.
“Bakit ito lang ang pinalabas? So we find that malicious. Whoever uploaded that, we find it malicious,” dagdag niya.-- FRJ, GMA News