Kahit mahigit 36,000 na ang positibong kaso ng COVID-19 sa bansa, binati pa rin ng Malacañang ang publiko na hindi umabot sa 40,000 ang bilang ng mga nahawahan ng virus sa pagtatapos ng Hunyo.
Una rito, nagbigay ng pagtaya na reseach team ng University of the Philippines na posibleng umabot sa 40,000 ang COVID-19 cases sa Pilipinas pagdating ng Hunyo 30.
“Panalo na tayo. We beat the UP prediction po. We beat it, so congratulations Philippines. Let’s do it again in July. We are winning,” sabi ni presidential spokesperson Harry Roque sa televised briefing nitong Martes.
Nitong Lunes, nakapagtala ang Department of Health ng 36,438 COVID-19 cases sa bansa. Kabilang dito ang 1,255 na nasawi at 9,956 na gumaling.
Ayon kay Roque, hindi na aabot sa 40,000 ang kaso kahit madagdag ang bagong bilang ng mga kaso sa huling araw ng Hunyo.
Napataas pa ang kamay ni Roque sa saya na hindi nangyari ang inilabas na pagtaya ng UP research team.
Sa inilabas na datos ng DOH ngayong Martes ng hapon, inihayag na 1,080 ang bagong mga kaso ng COVID-19 (858 ang "fresh," at 222 ang "late"). Dahil dito, umabot sa 37,514 ang kabuuang kaso sa katapusan ng Hunyo 30.
Nadagdagan naman ng 11 ang nasawi para sa kabuuang bilang na 1,266, at 277 ang bagong gumaling para sa kabuuang bilang na 10,233.
Sinabi naman ng UP mathematics professor na si Guido David, na pasok sa margin of error of plus or minus 10 percentage points ang datos ng pamahalaan base sa kanilang pag-aanalisa.
Sa katapusan ng susunod na buwan ng Hulyo, nagbabala ang research team na baka umabot sa 60,000 ang COVID-19 cases sa bansa.
Kaya naman nagpaalala si Roque nitong Lunes sa publiko na mag-ingat para hindi mangyari ang pagtayo ng mga eksperto.
Kabilang sa mga paraan para makaiwas sa hawahan ng virus ay ang pagsusuot ng face mask, madalas na paghuhugas ng kamay, physical distancing. — FRJ, GMA News