Dapat umanong magsumite na muna ng leave of absence si Health Secretary Francisco Duque III habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Ombudsman sa mga alegasyon ng iregularidad sa kagawaran kaugnay sa pagtugon nito sa COVID-19 crisis, ayon Senador Sherwin Gatchalian.
"I think to make the investigation impartial, the best and the most appropriate thing to do is to take a leave of absence at the very least," pahayag ni Gatchalian sa virtual interview nitong Huwebes.
Naniniwala naman ang senador na hindi maaapektuhan ng pagbabakasyon ni Duque ang ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa pandemya na pinangungunahan ng National Task Force Against COVID-19.
"Bulk of the activity is now outside of DOH. Nakita ko marami tayong mga undersecretary na kaya naman pagdating sa epidemiology at pagdating sa public health advice," ayon sa mambabatas.
Para kay Gatchalian, oras na para alamin ang katotohanan sa mga kontrobersiyang ibinabato kay Duque tungkol sa pagtugon ng kagawaran sa krisis na dulot ng virus.
"I think the Ombudsman will focus on the corruption issue, primarily. The performance issue or the response issue, Presidente na ang magde-dictate niyan kung satisfied siya sa trabaho ng DOH o hindi. I think 'yung performance issue is an administrative matter that the President has absolute authority on," paliwanag niya.
Kabilang si Gatchalian sa mga senador na pumirma sa resolusyon noong Abril na nananawagan kay Duque na magbitiw sa puwesto dahil sa kapalpakan umano sa pagtugon sa krisis na dulot ng COVID-19.
Nitong Miyerkules, inihayag ni Ombudsman Samuel Martires na bumuo siya ng grupo para kusang imbestigahan ang mga alegasyon laban kay Duque tulad ng umano'y overpriced na mga test kits, naantalang pagkuha ng personal protective equipment para sa mga health worker, mabagal na pagbibigay ng benefits at financial assistance sa mga health workers na nasawi at matinding tinamaan ng COVID-19, at iba pa.
Ikinatuwa naman ni Senador Risa Hontiveros ang imbestigasyon ng Ombudsman kay Duque at umaasa siyang "mananagot ang dapat managot."
"Sana ay magbunga ang imbestigasyon na ito para managot ang dapat managot. Kailangan din ito para maalis ang agam-agam ng mga tao tungkol sa ibang kawani ng Department of Health na walang kinalaman sa mga nasabing transaksyon at patuloy lang sa matapat na paglilingkod," pahayag ni Hontiveros.
"The Health Secretary has a lot to answer for and this is an opportunity for him to clear his name," dagdag niya.
Sinabi naman ng DOH na makikipagtulungan sila sa gagawing imbestigasyon ng Ombudsman. —FRJ, GMA News