Lumitaw umano sa paunang pagsusuri na positibo sa COVID-19 ang 33-anyos na ginang na pumanaw habang naghihintay ng masasakyan na bus sa Pasay City at pauwi sana sa Bicol para makapiling ang kaniyang apat na anak.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing hinihintay pa ang swab o confirmatory test kay Michelle Silvertino.
READ: Ginang na 5 araw naghintay ng bus para makauwi sa probinsiya, nasawi
Nailibing na rin si Silvertino matapos na pumayag ang kaniyang kapatid na si Josie.
Limang araw na umanong namamalagi si Silvertino sa pedestrian overpass sa Pasay City para maghintay ng bus na masasakyan pero sumama ang pakiramdam nito hanggang sa binawian na ng buhay noong Biyernes.
“Naka-schedule siya ng June 6. Pauwi na talaga e, kaya lang no’ng June 5 gano’n na nga ang nangyari sa kaniya,” sabi ni Pasay Mayor Emi Calixto-Rubiano.
“Pumayag ‘yung kapatid niya, si Josie Silvertino, ang sabi ilibing na lang,” dagdag ng alkalde.
Nitong nakaraang Enero huling nakita ng mga anak ni Silvertino na edad tatlo hanggang 11, ang kanilang ina.
Dahil iniwan ng kanilang padre de pamilya, nasa pangangalaga ng kapatid ni Silvertino na si Mario ang kaniyang mga anak.
“No choice na po kasi kami no’n e. Hindi na siya tinanggap sa cremation kasi po mabaho na nga siya saka bloated na siya. Hindi ko po talaga siya mapuntahan kasi nga po sabi kukuha pa raw po ng travel pass bago makalabas ng Maynila,” sabi ni Josie.
“Ang gusto ng mama ko, ipa-autopsy daw po kaya humihingi ng tulong si mama kasi gusto niya malaman ‘yung tunay na nangyari,” ayon kay Mario. --FRJ, GMA News