Nais ng isang kongresista na parusahan ang mga magkakansela ng inorder nilang pagkain at grocery kahit idedeliber na ang produkto.
Sa House Bill 6958, o "Food and Grocery Delivery Services Protection Act," na inihain ni Ako Bicol party-list Representative Alfredo Garbin Jr., nais niyang maprotektahan ang mga food delivery rider at negosyante sa food at grocery delivery services laban sa mga manloloko.
"Nais ng panukalang ito na protektahan ang mga rider ng food at delivery services companies katulad ng Grab Food, Lalafood, at Food Panda mula sa mga prankster at mga tao na basta basta na lamang nagka-cancel ng kanilang order na ang resulta ay ang pagkasayang sa oras at pagkawala ng puhunan ng mga riders," paliwanag ng mambabatas.
"Sa panahon ngayon, napakahalaga ng mga riders na nais nating proteksyonan. Sila ay masasabing mga bagong bayani sapagkat sila ay nakikipagsapalaran upang matulungan tayo na manatili sa tahanan at maiwasan ang COVID virus," dagdag niya.
Sa ilalim ng panukala, hindi na dapat ikansela ang mga inorder kung nabayaran na ito ng rider at papunta na sa lugar ng umorder.
Kasama rin sa papatawan ng parusa ang mga nanloloko at nagbibiro sa pag-order, at mga wala talagang intensyon na bumili ng produkto.
Maaari naman kanselahin ang order kung isang oras nang delayed ang inorder na pagkain sa takdang oras na inaasahan itong darating.
Ipinagbabawal din na hiyain ng umorder ang nagdeliber ng produkto sa anumang uri "platform."
Ang mga lalabag sa panukala ay maaaring patawan ng parusa ng pagkakakulong ng mula anim hanggang 12 taon, at multang hanggang P100,000.
Dapat din nilang i-reimburse ang delivery service provider sa halagang nagastos ng driver o rider.
Ang mga manghihiya sa mga delivery rider o driver ay maaari namang makulong ng anim na buwan hanggang anim na taon.--FRJ, GMA News