Bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic, kailangang makapagpakita ng karagdagang dokyumento sa paliparan ang mga pasahero matapos payagan na ang domestic flights ngayong Huwebes.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras,” sinabing hinahanapan sa paliparan ang mga pasahero ng travel pass mula sa Philippine National Police at medical certificates mula sa lokal na pamahalaan bago pasakayin ng eroplano.
Pagpasok sa terminal, dadaan ang mga pasahero sa thermal scanning at disinfection. Ipinatutupad din ang physical distancing at kailangang naka-face mask ang pasahero.
Ang pasaherong si Welhelmshaven Pantorilla, sinabing dalawang linggo niyang nilakad ang kaniyang travel authority at medical certificate.
“Two weeks po or aabot ng three weeks ‘yong pagkuha po ng medical certificate at tsaka travel authority po. ‘Yong pila din po napakahirap din po kasi ‘yong city hall ng Pasig malayo sa PNP station so kailangan maglakad ng two hours kasi wala pong public transportation,” paliwanag niya.
Ang mga cabin crew sa eroplano, nakasuot ng personal protective equipment.
Bukod sa travel pass at medical certificate, may susulatan din na health declaration at passenger locator form ang mga bibiyahe.
Ang mga naturang dokumento ay kailangan ding ipakita sa lugar ng destinasyon, pati na ang acceptance pass mula sa LGUs.
Ang Cebu Pacific, hinihikayat ang mga pasahero na mag-check-in online o gumamit ng kiosk sa loob ng terminal para sa contactless transaction.
Sa Biyernes, inaasahan na bibiyahe na rin ang Philippine Airlines at AirAsia. -- FRJ, GMA News