Simula sa Hunyo 1, isasailalim na sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila mula sa kasalukuyang modified enhanced community quarantine (MECQ).
Idineklara ito ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Huwebes, bilang pagsunod sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ito ay sakabila naman ng mga babala ng ilang eksperto na masyado pang maaga para isailalim sa GCQ ang Metro Manila at ilan pang lugar na "high risk" na mataas pa rin ang kaso ng COVID-19.
READ: Higit 7k pang nagpositibo sa COVID-19, 'wala pa sa listahan ng COVID-19 cases ng bansa–UP study
Ang anunsiyo ay ginawa ni Duterte sa televised address ilang oras matapos na ibalita ng Department of Health na 15,588 na ang COVID-19 cases sa bansa matapos na makapagtala ng 539 na mga panibagong kaso.
Ito ang pinakamataas na bilang ng mga bagong COVID-19 cases na naitala sa bansa sa loob ng isang araw. Pinakamarami nito (330 cases) ay nanggaling sa Metro Manila.
Umabot naman sa 3,598 pasyente ang gumaling, na nadagdagan ng 92; habang 17 naman ang nadagdag sa mga nasawi para sa kabuuang bilang na 921.
Samantala, sinabi ni Duterte na mananatili ang Davao City sa GCQ. Gayundin ang Regions 2, 3, 4A, at mga lalawigan ng Pangasinan at Albay.
Ang Cebu City ay nasa MECQ, habang GCQ naman ang Iloilo City at Baguio City.
Ang nalalabing bahagi ng bansa ay mananatili naman sa MGCQ.
Sa ilalim ng GCQ, papayagan nang magbukas ang ilang negosyo at papayagan na rin ang pagpasok ng ilan pang manggagawa basta susunod sa itinakdang health protocols tulad ng social/physical distancing at pagsusuot ng face masks.
Mananatili namang sarado pa ang ilang libangan tulad ng mga sinehan, pati ang mga gym at fitness studios, maging ang operasyon ng mga travel agency.
Papahintulutan naman ang operasyon ng ilang pampublikong transportasyon pero limitado lang ang kapasidad upang maipatupad ang social distancing.
Hindi pa rin papahintulutan ang mass gathering, kabila ang concerts, sporting events at iba pang entertainment activities, community assembly at non-essential work gatherings.
Hindi rin hinihikayat ang religious gatherings pero dapat ay hanggang 10 katao lang.
Papayagan naman ang mga outdoor non-contact sports at iba pang paraan ng pag-ehersisyo tulad ng paglalakad, jogging, running, biking, golf, swimming, tennis, badminton, equestrian at skateboarding basta nakasuot ng face masks at mayroong social distancing.
Samantala, ang mga lugar na nakapailalim sa MGCQ ay papahintulutan na ang concert, movie screenings, sporting events at religious gatherings pero may mga kondisyon.
Papayagan din na mag-operate sa kapasidad ng 50 porsiyento ng lugar ang mga barbershop, salons at iba pang personal care service establishments, maging ang dine-service sa mga kainan.
Maaari ding mag-operate sa maximum 50% operational capacity ang iba pang establisimyento tulad ng gyms/fitness studios, travel agencies at tour operators.
Una rito, nagpahayag ng pangamba ang mga mananaliksik ng University of the Philippines sa posibleng pagtaas ng COVID-19 cases sa Metro Manila at iba pang high risk areas kapag inilagay na ito sa GCQ.
Batay daw kasi sa kanilang pag-aaral, nananatiling mataas ang bilang ng mga kasong nadadagdag sa Metro Manila sa bawat araw. Inirekomenda rin ng mga mananaliksik sa University of Santo Tomas, panatilihin sa MECQ ang Metro Manila.--FRJ, GMA News