Isa pang ilegal na klinika na para umano sa mga Tsinong pasyente na may COVID-19 ang sinalakay ng mga awtoridad sa Makati City. Ang hindi lisensiyadong pagamutan, nabisto dahil sa mga reklamo na madalas magbara ang drenahe sa lugar dulot ng mga basurang galing sa klinika.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nakita ng mga awtoridad sa naturang ilegal na pagamutan ang sari-saring gamot, mga hiringgilya, at mga aparato para sa coronavirus testing, na karamihan daw ay nakasulat sa Chinese ang marka.
May mga gamot din na nakita na ginagamit na panglunas sa iba pang sakit tulad ng herpes simplex at human papillomavirus (HPV).
Ayon kay Makati Police chief Police Colonel Oscar Jacildo, walang business permit ang klinika na nasa Barangay San Antonio, at walang lisensiya para manggamot dito sa bansa ang naarestong Tsino na umano'y duktor.
Nabisto ang klinika dahil sa mga reklamo na laging nagbabara ang drenahe sa lugar bunga ng mga basura na galing sa klinika.
“This may prejudice the health of our upcoming patients if they are treated wrongly because walang authority to practice,” sabi ni Jacildo .
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang umanoy duktor at kaniyang kasama na inaresto ng mga pulis at sasampahan ng kaukulang reklamo.
Apat na pasyenteng Tsino rin ang inabutan sa klinika ang ipasusuri sa Makati Health Office.
Una rito, isang seven-bed underground hospital din ang nabisto at sinalakay ng mga awtoridad sa Pampanga noong nakaraang linggo na nasa isang dating leisure village.
READ: Nabistong sikretong 'ospital' para sa mga Chinese na may COVID-19, sinalakay sa Pampanga
Ginawa raw ang naturang ilegal na ospital para sa mga Chinese na positibo sa COVID-19.
Walang umanong permit sa Department of Health o Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang establisimyento para mag-operate.--FRJ, GMA News