Inihayag ni Interior Secretary Eduardo Año na malaki ang posibilidad na ilipat na sa general community quarantine ang Metro Manila pagkatapos ng Mayo 31.
"Malaki ang posibilidad na ang Metro Manila at 'yung ibang lugar na MECQ (modified enhanced community quarantine) ay puwedeng lumuwag na at mapunta sa GCQ," sabi ni Año sa Dobol B sa News TV nitong Martes.
WATCH: Alamin ang kaibahan ng ECQ at GCQ vs COVID-19
Idinagdag ng kalihim na maaaring ipatupad na lang ang GCQ o lockdown sa mga barangays, subdibisyon at maliliit na komunidad.
"Sa tingin ko mas maganda itong set-up na ito dahil makakahinga 'yung ating economy at makaka-focus tayo sa mga may cases," paliwanag niya.
Sinabi rin ni Año na magpupulong ngayong Martes ang Metro Manila Council para pag-usapan ang rekomendasyon kung palalawigan ang MECQ sa NCR o na luluwagan na ang patakaran sa community quarantine.
Ang magiging desisyon umano ay posibleng ianunsyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Huwebes o Biyernes, ayon kay Año. —FRJ, GMA News