Naniniwala si Health Secretary Francisco Duque III na maaaring magbukas ng klase sa Agosto kung maipatutupad ng sektor ng edukasyon at iba pang nangangasiwa rito ang kinakailangang pag-iingat.
"Pag-aaralan po natin maigi ito pero sa ngayon po tingin namin ay ligtas naman po kung bubuksan natin ang klase by August 24," sabi ni Duque sa pagdinig ng Senate committee on health nitong Martes.
"Ang kinakailangan lang po dito siguraduhin lamang ang lahat ng ating minimum standards for health ay nakatalaga. Ito po 'yung physical distancing, frequent washing of the hands, disinfection ng mga silid-aralan, at sinisiguro na ang alcohol, sanitizers andiyan din po," patuloy niya.
Dagdag pa ng kalihim, dapat ding maipatupad ang mga panuntunan sa health screening ng mga dadalo sa klase at pagbibigay ng gabay at abiso sa mga magulang kung ano ang dapat gawin kung magkakasakit ang kanilang mga anak para mapigilan ang hawahan ng COVID-19.
Nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas makabubuting patuloy na suspindihin ang klase hanggat wala pang bakunang pangontra sa COVID-19.
“I will not allow the opening of classes na magdikit-dikit ‘yang mga bata. Bahala nang hindi na makatapos. For this generation walang makatapos na doktor pati engineer,” anang pangulo.
“Wala nang aral, laro na lang unless I am sure that they are really safe. It’s useless to be talking about the opening of classes. Para sa akin, bakuna muna,” dagdag niya.—FRJ, GMA News