Halos kalahating milyong pisong halaga ng umano'y shabu ang nasabat sa buy-bust operation ng pulisya sa Brgy. Balangkas sa Valenzuela City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Tatlo ang arestado sa operasyon, kabilang ang isa na nagsabing nagawa lang niyang magbenta ng droga dahil gusto niyang bilhan ng cellphone ang kaniyang anak.
Target ng operasyon ang mag-asawang Marvin at Ligaya Castillo, kasama na rin ang umano'y source ng droga na si JP Bautista.
JUST IN: Halos kalahating milyong pisong halaga ng umano’y shabu, nasabat sa buy-bust operation ng NPD-DEU sa Brgy. Balangkas Valenzuela; 3 arestado @gmanews @dzbb pic.twitter.com/Kli60OjQAB
— James Agustin (@_jamesJA) April 28, 2020
Ayon sa mga pulis, gusto raw ng mag-asawa na cellphone ang gawing pambayad kapalit ng droga.
Aabot sa 70 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P500,000 ang nakuha mula sa mga suspek na umaabot daw hanggang Maynila ang operasyon at hindi lang sa CAMANAVA area.
Aminado si Marvin sa nagawa dahil gusto raw niyang bilhan ng cellphone ang anak, samantalang ayon naman kay Ligaya ay hindi niya alam na shabu ang ibinebenta ng mister.
"Ang alam ko lang po bibili si Marvin ng cellphone. Yun lang po ang alam ko," ani Ligaya.
Wala namang pahayag si Bautista. --KBK, GMA News