Isang babae na katatapos lamang manganak ang namatay nitong Biyernes matapos umanong tanggihan ng mahigit anim na ospital, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa 24 Oras Weekend nitong Linggo.
Sa bahay nanganak si Catherine Bulatao pero nangailangan pa ring dalhin sa ospital para alisin ang placenta sa kaniyang uterus.
Unang dinala si Bulatao, na taga-Caloocan, sa Dalagan-Ciudadano Midwife Clinic pero sinabihan siya na kumunsulta sa isang espesyalista.
“Ginalaw naman po siya. Pinutol ‘yong pusod noong bata tapos sabi nila hindi na raw din nila kaya, ilipat na namin ng hospital,” ani Erma Zeta, ina ng biktima.
Maraming dugo raw ang nawala kay Bulatao, ayon sa midwife na nagpaanak sa kaniya.
“Matagal na po siguro nag-bleeding na siguro sa bahay kasi maputlang-maputla na siya noong dumating. Halos ‘pag tinatanong mo siya, ‘di mo na makausap, natutulog na lang, ginigising ko siya,” ani Mary Joy Francisco said.
“Pagkapa ko, ang taas noong inunan, nagtawag ako ng bantay, kasama niya, sabi ko maghanap ng sasakyan, i-transfer ng hospital kasi sobrang taas noong inunan niya,” dagdag pa niya.
Nang dalhin si Bulatao sa North Caloocan Doctors Hospital, sinabihan siyang lumipat sa ibang ospital dahil kulang umano ang supply ng dugo ng nasabing pagamutan.
Sunod na dinala si Bulatao s Far Eastern University Hospital sa Quezon City pero hiningian sila ng downpayment na P30,000 para sa operasyon.
“Ang inano po namin sa kaniya, baka puwedeng i-admit niyo muna kasi uuwi nga po ‘yong manugang ko, kukuha ng pera. Ang sabi po hindi puwede. Kung puwede po, bumalik na lang po kayo ng may P30,000 po kayo,” sabi ni Zeta.
“Pera ko rin po kasi dito P5,000 lang baka puwede kakong P5,000 lang muna. Hindi raw po puwede, P30,000 talaga ang inaano sa’min,” dagdag pa niya.
Sunod na pinuntahan ng pamilya ang Bermudez Hospital, Skyline Hospital at Grace Hospital sa Bulacan pero sinabihan daw sila na walang available na obstetrician.
Dineklarang dead on arrival si Bulatao nang dalhin siya sa San Jose del Monte General Hospital.
Kinuha ng GMA News ang panig ng North Caloocan Doctors Hospital, Commonwealth Hospital and Medical Center at Bermudez Hospital, pero wala raw available na opisyal para humarap sa media dahil weekend.
Sinabi naman ng FEU Hospital na magbibigay ito ng komento oras na makatanggap ng request para sa interview sa email.
Handa namang magsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima sa mga ospital na tumanggi sa kanila.
“Parang unfair po kasi hindi man lang nila chineck ‘yong vitals noong pasyente bago nila i-advise sa’min na i-transfer sa ibang ospital muna. Para at least malalaman namin kung ayos pa, kung kaya pa ba, aabot pa ba sa susunod na pupuntahan,” ani John Christian Bulatao, asawa ng biktima.
“Ang hirap isipin na pera muna na mas mahalaga ‘yong pera kaysa sa buhay muna,” dagdag pa niya.
Inatasan na ng Department of Justice ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang insidente. --KBK, GMA News
