(PAALALA, MASELAN ANG VIDEO)

Patay ang isang retiradong sundalo matapos barilin ng isang pulis na kabilang sa mga nagbabantay sa isang quarantine checkpoint sa Quezon City. Ang biktima na mayroon umanong problema sa pag-iisip, nakasagutan muna ang mga pulis at pumormang may dudukutin sa bag bago siya binaril.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si retired corporal Winston Ragos, ng Barangay Pasong Putik, Quezon City.

Sa isang video na kuha ng isa sa mga pulis, makikita ang tensyon sa pinangyarihan ng insidente sa Maligaya Drive nang sabihan ng mga pulis ang nakatalikod at nakataas ang mga kamay na si Ragos, na dumapa.

Pero sa halip  na sumunod, humarap ang biktima sa mga pulis at kinompronta ang mga ito. Ilang saglit pa, tila may tinangka siyang dukutin sa kaniyang bag.

Dito na siya dalawang beses binaril ni Police Master Sergeant Daniel Florendo Jr.

Nakatayo pa si Ragos ng ilang segundo bago bumagsak sa bangketa. Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

Sa paunang imbestigasyon, may nakuha raw na isang kalibre .38 na baril at mga bala sa bag ng biktima, bagay na itinatanggi naman ng kaniyang mga kaanak.

Ayon sa mga awtoridad, biglang lumapit si Ragos sa mga police trainee ng Highway Patrol Group, na nagbabantay sa quarantine control point nitong Martes.

Nagsisigaw umano ang suspek laban sa mga trainee dahil masama raw ang tingin nila sa kaniya.

Pinauuwi ng pulisya si Ragos dahil lumalabag sa enhanced community quarantine pero hindi ito nakinig kaya nagkaroon ng komprontasyon.

Iniimbestigahan na ng Criminal Investigation and Detection Unit ang kaso. Pero ipinaliwanag ni QCPD Director Brigadier General Ronnie Montejo na judgment call ang naging aksyon ng pulis laban sa umano'y armadong biktima.

Mahaharap sa criminal at administrative investigation ang nakabaril na si Master Sergeant Florendo, na isinuko na ang kaniyang service firearm.

Mariing itinanggi ng mga kaaanak ni Ragos na mayroon itong baril. Anila, mayroon siyang schizophrenia at post-traumatic stress disorder.

Huli raw na-assign si Ragos sa Marawi bago tuluyang umalis sa serbisyo.

"Wala naman hong ginagawa ang kapatid ko. Pinatalikod nila, akala nila bubunot. Wala naman pong bubunutin eh, wala pong armas, kahit anong armas wala ang kapatid ko," sabi ni Janet Macahilig, kapatid ni Ragos.

"Sinasabi raw niya, 'Sige barilin niyo na po ako sir, barilin niyo na po ako.' Tapos hinarap po siya, ibinibigay niya 'yung kamay niya. 'Posasan niyo na lang ako sir.' Tapos sabi sa kaniya 'Tumalikod ka!' Tumalikod po siya ulit. Tapos sabi nila ''Yung bag mo.' Kukuhanin niya na po 'yung bag niya, pinaputukan po siya pero nakuha't naihagis na niya 'yung bag niya," sabi pa ni Macahilig.

Pumunta na ang ina at ate ni Ragos sa Camp Caringal nitong Miyerkoles din para maghain ng reklamo laban sa mga pulis.

Hinihingi pa ng GMA News ang paliwanag ng Highway Patrol Group.--Jamil Santos/FR, GMA News