Hindi napigilan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na maiyak nang makita sa "Wowowin-Tutok To Win" ang tribute video para sa mga fronliner na hindi magawang mayakap at malapitan ang kanilang mga mahal sa buhay dahil sa pangamba na makapanghawa sila ng COVID-19.
"Pinaiyak mo 'ko," sambit ni Nograles kay Willie Revillame na host ng programa.
Sa video, kasamang makikita ang mga pulis na hindi makalapit at mayakap ang kanilang mga anak na nais lumapit sa kanila.
May isang video na makikitang pinapalayo ng ama ang paslit na anak na nais na lumapit sa kaniya.
Ayon kay Willie, nakaramdam din siya ng bigat sa kalooban nang una niyang mapanood ang naturang video.
"Nagugutom na, nahihirapan na, hindi mo pa mayakap ang mga mahal mo sa buhay. Ang hirap ng pinagdadaanan natin," saad ni Willie.
READ: Kuya Wil, naging emosyonal dahil sa sakripisyo ng COVID-19 frontliners
Basag pa ang boses ni Nograles nang umayon siya sa sinabi ni Willie, sabay sabi na lahat ngayon ay may mga pinagdadaanan dulot ng krisis sa COVID-19.
Sabi pa ni Nograles, tagapagsalita rin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), labis siyang nadala sa nakitang sitwasyon ng mga pulis na nakita niya sa video.
"Ginagawa natin ang lahat... nakita ko yung sa mga pulis, naawa talaga ako. Lahat ng pinagdadaanan, tapos hirap na nga ng buhay, hirap na nga sa trabaho, tapos ginagawa pang kalaban," pahayag niya.
"Hindi natin kalaban mga pulis, ginagawa lang nila 'yan para sa proteksiyonan ang bawat isa. Pero lahat 'yan may pamilya, lahat 'yan may anak. Yung banta sa buhay nila, yung kaligtasan nila, saktripisyo para sa atin. Mahirap, mahirap, naawa ako sa kanila," patuloy pa ni Nograles.
Kaya naman nanawagan at nakiusap si Nograles sa publiko na kung maaari tulungan ang mga awtoridad na nagpapatupad ng kaayusan para matiyak na nasusunod ang enhanced community quarantine upang hindi na kumalat pa ang virus.
"Hindi naman superman ang mga 'yan, nagkakasakit, nagkaka- COVID, namamatay. Hindi porket pulis ka bawal magkasakit, bawal mamatay, mga sundalo natin, lahat 'yan nagsasakripisyo para sa ating lahat," saad niya.
Inihayag ni Willie, na sa kabila ng ginagawa ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 ay nakatatanggap pa rin ng pambabatikos ang pamahalaan.
Kinumusta rin ng "Wowowin" ang kalagayan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng matinding pagsubok na pinagdadaanan ng bansa.
Sabi ni Nograles, "Sa totoo lang ang hirap, ang hirap ng kailangan niyang (Duterte) pagdesisyunan. Pasan talaga niya ang mundo sa oras na ito."
Patuloy ng kalihim, batid umano ng pangulo ang nararamdaman at pangangailangan ng mga tao na isinasama niya sa mga desisyon.
"Alam niya yung nararamdaman ng bawat isang Pilipino. Alam mo yung kalagayan ng bawat isa na kailangang magtrabaho, kailangang kumain. Kung hindi siya gagawa ng tamang desisyon, damay lahat, damay talaga lahat," dagdag niya.
Sinabi rin ni Nograles na tanggap naman daw nila ang mga pambabatikos bilang nagsisilbi sa gobyerno pero mahirap umanong makita ang sitwasyon ng mga kasamahan nilang nagsisilbi sa gobyerno na tinitiis na hindi makalapit sa kanilang mahal sa buhay.
Mensahe niya sa mga tao, "Nais lang namin na maintindihan ng lahat na hindi ito madali (ang laban sa COVID-19). Lalong hindi ito madali para sa pangulo." --FRJ, GMA News