Para sa mahigpit na pagpapatupad ng social distancing, mas kokontrolin na ang pagpasok ng mga mamimili sa Pamilihang Bayan ng Bagong Parañaque, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Hirit ng GMA News nitong Lunes.
Lilimitahan na ang dami ng mamimili na papayagang makapasok sa palengke para makontrol ang daloy ng mga tao sa loob.
LOOK: Pamilihang bayan ng bagong Parañaque, mas kokontrolin na ang pasok ng mga mamimili para mahigpit na maipatupad ang social distancing. @gmanews @dzbb pic.twitter.com/XgH7r34vPz
— James Agustin (@_jamesJA) April 19, 2020
Nabawasan na ang dami ng mamimili sa palengke nitong Lunes ng umaga.
Bukod dito, may bagong sistema sa schedule ng pamamalengke ang ipapatupad base sa dulong numero ng quarantine pass ng residente.
Ngayong Lunes, bawal ang mga mamimili na ang quarantine pass ay nagtatapos sa numerong 1 at 2, bawal ang 3 at 4 tuwing Martes, bawal ang 5 at 6 tuwing Huwebes, bawal ang 7 at 8 tuwing Biyernes at bawal ang 9 at 0 tuwing Sabado.
Nakatakda naman ang araw ng Linggo para lang sa mamimili na frontliners, persons with disability, at senior citizens.
Nasa enhanced community quarantine ang buong Luzon hanggang Abril 30 para maiwasan ang pagdami ng kaso ng COVID-19. —Joviland Rita/KG, GMA News