Nagdadalamhati pero wala nang nagawa ang isang biyuda nang ipa-cremate kaagad at hindi na nabigyan ng disenteng burol ang kaniyang mister na nasawi sa stroke, at hindi naman dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Mandaluyong.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Maximina Bautista, na hindi na niya nagawang sulyapan sa huling pagkakataon ang kaniyang namayapang mister dahil daw sa umiiral na kautusan sa kanilang lungsod na bawal ang burol at i-cremate ang namamatay sa halip na libing.

Dati na raw may Parkinson’s disease ang kaniyang mister nitong Huwebes ay pumanaw ang lalaki matapos na ma-stroke.

“Wala na kaming magagawa dahil sa sitwasyon ngayon ‘di na puwede ‘yong kuwan... kaya noong isinalang siya, ‘di na namin nakita ‘yong mukha, naka-zipper na ‘yong katawan tapos diretso na sa apoy. Pero masakit talaga sa kalooban,” ayon sa ginang.

Paliwanag naman ni Andy Natividad, director ng Garden of Life, "‘Pag nagburol ka po, nandiyan din ‘yong mass gathering and at the same time, ina-advise na namin ‘yong family na i-direct cremate na natin para wala masyadong problema.”

Dahil naman sa pagdami ng mga pumapanaw sa COVID-19, nahihirapan na rin umano ang crematorium sa Mandaluyong City.

Sabi ni Natividad, umaabot sa 10 ang kanilang ikini-cremate sa isang araw.
Ayon kay National Task Force COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. nitong Linggo, dapat na maki-cremate sa loob ng 12 oras ang pumanaw na COVID-19 victim para maiwasan ang kontaminasyon.

Samantala, dahil may kamahalan ang cremation sa mga pribadong punerarya, iminumungkahi ni MMDA General Manager Jojo Garcia, na magtakda ang COVID-19 task force ng limitasyon sa presyo sa cremation.

"Magkaroon tayo na parang SRP na standard price na eto lang ang cap natin. Nakikiusap din kami sa mga funeral parlor, mga crematorium na 'wag naman pagkakitaan pa," sabi ni Garcia.

Sa Makati City, sinabi ni Mayor Abby Binay sa isang pahayag na sasaluhin na ng kanilang lokal na pamahalaan ang gastusin sa cremation ng kanilang mga residente na pumanaw dahil sa COVID-19.

Katuwan umano nila sa hakbanging ito ang NewLife Techwin Inc., na siyang magbibigay ng dalawang crematory machines sa lungsod.

Karaniwan umanong nagkakahalaga ng mahigit P18,000 ang bayad sa cremation na mabigat umano sa bulsa sa panahong ito.

Nitong Lunes, iniulat ng Makati Health Department na mayroong 177 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, at 18 sa mga pasyente ang nasawi at 18 rin ang gumaling.--FRJ, GMA News