Inihayag ni Cabinet Secretary Karlo Nograles nitong Lunes na ilalatag na ng pamahalaan ang tulong pinansiyal at pagkain sa mga mamamayang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa ipinatupad na community quarantine para labanan ang pagkalat ng COVID-19.
Ibinahagi ni Nograles ang plano ng gobyerno nang makapanayam ni Willie Revillame sa kaniyang online show na "Tutok To Win," habang naka-quarantine naman sa Puerto Galera ang "Wowowin" host.
Sa pamamagitan ng video call na ipinalabas sa "Tutok To Win," inihayag ni Willie ang kahalagahan na malaman ng publiko ang ginagawang hakbang ng gobyerno tungkol sa COVID-19 sa pamamagitan ni Nograles, ang tumatayong tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ayon kay Nograles, matapos na maipasa ng Kongreso ang Bayanihan to Heal as One Act, na naglalaan ng pondo para sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19, at kasunod ng paglagda rito ni Pangulong Rodrigo Duterte para ganap na maging batas, inihahanda na ng pamahalaan ang programa kung papaano makararating sa mga tao ang ayuda.
Pangunahing umanong pakay ng gobyerno na mabigyan ng tulong ang mga taong nawalan o natigil sa pagtatrabaho dahil kailangan nilang manatili sa bahay habang umiiral ang pinaigting na community quarantine sa Luzon.
"Importante na mailatag na po natin ngayon ang tulong na mula sa gobyerno para pakainin po natin ang lahat ng mga kababayan natin na talagang umaasa na makapagtrabaho para sila ay may maiuwi sa kanilang tahanan," sabi ni Nograles.
Paglilinaw pa ng opisyal, ang ayudang ibibigay ng pambansang pamahalaan ay hiwalay sa tulong na ibinibigay ng lokal na pamahalaan ngayong nasa pangatlong linggo na ang implementasyon ng community quarantine.
"Ito na po yung oras na dapat na darating na po yung tulong mula sa national government. So inilalatag na po namin 'yan ngayong linggo na ito dahil napirmahan na po yung batas tapos napirmahan na po yung budget para diyan at naka-prepare na," paliwanag niya.
Patuloy pa ng kalihim, "Ngayon asahan ng ating mga kababayan na ilalatag na ang lahat ng tulong mula sa nasyunal in terms sa pagkain at in terms sa financial assistance."
Bukod sa pagbibigay ng tulong sa mga nawalan ng pagkakakitaan, sinabi ni Nograles na may ginagawa ring hakbangin ang pamahalaan para mailagay sa ligtas na lugar at maalis sa bahay ang mga person under investigation (PUIs) o mga pinaghihinalaan na positibo sa COVID-19, at maging ang mga may mahinang sintomas upang hindi na sila makahawa ng iba.
Prayoridad din daw ang gagawing panggagamot sa mga COVID-19 patient na malubha ang sintomas ng virus upang mailigtas ang kanilang buhay.
Una rito, sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na tatlong mahahalagang bagay ang inaasahan niya sa isusumiteng report ng Palasyo tungkol sa kung papaano gagamitin ng pamahalaan ang ibinigay na karagdagang kapangyarihan kay Duterte para labanan ang COVID-19.
Kabilang umano rito ang impormasyon kung papaano ipinamahagi ang financial aid sa tinatayang 18 milyong na mahihirap o informal sector; mass testing ng COVID-19 lalo na urban areas, at ang programa para maprotektahan ang mga health worker na dumadaing sa kakulangan ng PPEs o personal protective equipments.
Tunghayan ang kanilang buong talakayan ni Kuya Wil sa video na ito.
--FRJ, GMA News