Nagmistulang swimming pool ang isang hukay na pagtatayuan ng poste para sa Skyway sa may Caloocan City matapos itong languyan ng ilang mga bata.
Ayon sa isang ulat sa “Balitanghali Weekend” ng GMA News TV nitong Linggo, naipon ang tubig sa isang hukay kaya ginawa naman itong swimming pool ng ilang mga bata.
Bagamat may harang ang butas at may security guard ang Skyway, patuloy pa ring nakakapasok ang mga bata sa hukay.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, sinasaway daw nila ang mga bata ngunit hindi raw sumusunod ang mga ito.
Dagdag pa nila, dumadayo pa raw ng mga bata mula Quezon City papuntang Caloocan para makalangoy sa hukay. — Julia Mari Ornedo/DVM, GMA News