Patay ang isang Chinese national matapos pagbabarilin ng kapwa niya Chinese sa isang restaurant sa Makati City. Ang mga biktima, pinagnakawan umano ng mga suspek.
Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, limang lalaking Chinese at isang babae ang magkakasamang pumasok sa hot pot restaurant sa Barangay Bel Air pasado 10 p.m. nitong Huwebes.
Matapos ang ilang minuto nagtatakbo palabas ang tatlo sa kanila. Sa VIP section ng kainan, nakabarilan na pala nila ang dalawa sa mga kasama nilang pumasok.
Dead on the spot si Yi Jian Tao sa harap ng kanyang nobya. Nabaril din ang kasama niyang si Kai Zheng na nakaligtas at dinala agad sa ospital.
Matapos ang pamamaril nagsitakbo ang mga suspek. Nakatakas ang isa habang nahabol ng mga awtoridad ang dalawa — ang kasama niya nasa ospital dahil may mga sugat.
Nang kumpiskahin ang kanilang bag nakuha ang tatlong baril at pera ng mga biktima na nagkakahalaga ng P345,000.
Habang nasa ospital ang sugatang suspek, nasa kustodiya na ng pulis ang suspek na si Yang Chau Wen. Siya raw ang nakita sa CCTV na tumatakbo na may hawak ng bag.
Ayon kay Yang, dalawang buwan na siyang turista sa Pilipinas at isinama lang daw niya ang lalaking nakaitim para kumita raw ng pera.
Kabilang din sa mga nakuha sa kaniya ang isang ID ng chinese army at sari-saring live ammunition.
Kukunan pa ng salaysay ang isang suspek na ginagamot sa ospital habang tinutugis pa ang isang nakatakas.
Patuloy ang imbestigasyon kung bakit tinangay ang pera ng mga biktima at ang motibo sa pamamaril. —KBK, GMA News