Isang nagtitinda ng lobo ang nagtamo ng paso sa ulo at braso matapos silaban ng ilang kabataan ang tinda niyang mga lobo sa Pandacan, Maynila.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV nitong Miyerkules ang tatlong magkakaibigang kabataan na tumabi sa kumpol ng mga lobo na nasa gilid ng baranggay hall ng Baranggay 842.
Maya-maya lang, pasimple nilang sinilaban ang mga lobo gamit ang lighter at saka nagtatakbo palayo.
Pero nasa ilalim pala ng kumpol ng mga lobo ang nagtitinda nito si Oliver Rosales.
Dahil gawa sa plastic ang tinda niyang mga lobo, nalusaw ang mga ito dumikit sa kaniyang braso at sa ulo.
Ayon sa opisyal ng kapitan, pito ang kabataang sangkot sa ginawa sa tindero at nakilala na sila.
Lima umano sa mga ito ay mga menor de edad.
Pinagharap na raw ng barangay ang mga kabataan at ang balloon vendor na nagtamo ng second degree burns.
Sa kabila ng kaniyang sinapit, sinabi ng barangay na pumayag na lang ang vendor na makipagkasundo sa mga kabataang nag-trip sa kaniya.-- FRJ, GMA News