Naging mala-parking lot ng halos anim na oras ang kahabaan ng Dimasalang Street matapos humambalang at magdulot ng trapiko ang isang 12-wheeler na truck na natanggalan ng gulong sa Sta. Cruz, Manila.

Sa ulat ni Isa Avendaño-Umali sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabi ng mga opisyal ng barangay na humambalang ang truck na may kargang buhangin pasado alas-singko ng umaga.

Nanggaling pa ng Pampanga ang truck at papunta sana sa Cavite.

Naging walang galawan ang trapiko sa south bound lane ng Dimasalang Street, at umabot ito mula Manila North Cemetery hanggang bago sumapit sa Dangwa Flower Market, kung saan naipit na ang mga sasakyan, kabilang ang mga pribadong kotse.

Ipinaliwanag ng truck driver na bumili pa ng piyesa ang isa sa kanilang pahinante kaya natagalan ang pagpapalit ng sirang gulong.

Wala rin aniya silang dalang reserba kaya nahirapan din sila sa paghahanap.

Nagpalala pa ang ginagawang mga road construction kaya hindi makalusot ang mga sasakyan.

Disyembre 2019 ang nakalagay sa karatula na petsa ng completion pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito natatapos.

Sinabi ni Dennis Viaje, hepe ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), na natanggal sa kalsada ang truck bago mag-alas-onse ng umaga.

Pero magbagal pa rin ang usad ng mga sasakyan sa bahagi ng Dangwa dahil marami na ang dumadayo para bumili ng mga bulaklak para sa Araw ng mga Puso. —Jamil Santos/LDF, GMA News