Sinampahan na ng reklamo ng Department of Interior and Local Government ang mga alkalde na bigong sumunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisan ang kani-kanilang kalsada at bangketa laban sa mga sagabal sa daloy ng trapiko at daanan ng mga tao.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing isinampa ng DILG ang reklamo laban sa mga alkalde sa Ombudsman at hiniling ng dalawang buwang preventive suspension.
Dahil umano ito sa pagbalewala ng mga alkalde sa Memorandum Circular 121 na nag-uutos ng paglilinis ng mga kalsada at bangketa.
Bago matapos ang taon, 97 na bayan at lungsod ang pinadalhan ng show cause order para pagpaliwanagin. Sa naturang bilang, 15 ang bumagsak kahit na sa paliwanag pero 10 pa lang ang nasasampahan ng kaso.
Nilinaw naman sa ulat na walang local officials mula Metro Manila ang kasama sa mga kinasuhan.
Ayon sa DILG, kahit mayroon pa rin mga nakaharang sa ilang kalsada sa Metro Manila, tumalima naman umano ang mga alkalde sa kautusan.
Maglalabas umano ng panibagong direktiba ang DILG para ipagpatuloy ang road at sidewalk clearing hanggang makasanayan na ng mga alkalde ang trabaho.--FRJ, GMA News