Nagsalita na ang may-ari ng tindahan at pagawaan ng lambanog na na nakalason sa ilang katao sa Laguna at Quezon. Kasabay ng paghingi nila ng paumanhin sa insidente, iginiit nila na ligtas ang kanilang produkto at maaaring may nanabotahe lang sa kanila.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nagpaunlak ng panayam sina Emma Ocaya, at Nicanor Delos Reyes, may-ari ng tindahan na pinagbilhin ng lambanog; at ang pinagkukunan nila ng produkto na si Alfredo Rey, na siyang gumagawa ng "Rey's Lambanog."
Umabot na sa 11 ang nasawi sa pagkalason sa lambanog sa Laguna, at apat naman sa Quezon.
"Hindi po ako masamang tao, alam na alam po nila. Kaya po ako'y humihingi ng tawad sa kanila. Pero kami po' y talagang tutulong sa abot ng aming makakaya," sabi ni Ocaya.
Pahayag naman ni Delos Reyes," Humihingi ako ng pasensya sa inyo na katagal ko namang nagtitinda doon ay wala namang nangyayari pa yung ganun. Hindi ko alam kung ano talaga ang nangyari."
Sinabi naman ni Rey na limang dekada na raw siya sa industriya at tiniyak niya na walang kemikal, at gawa sa purong niyog at dumaan sa natural na proseso ang kanilang produkto.
Gayunman, inamin niya na nakikisabay lang siya sa anak tungkol sa lisensiya sa Food and Drug Administration (FDA).
"Meron pong kuwan yung aking anak kung sa kwan, siya po ang may kwan ng FDA. Kaya lang po ako ay nakikisabay lamang po ako. Yun po ang ginagamit ko," ayon kay Rey.
Ipinasilip din niya sa GMA News ang pagawaan nila ng lambanog sa Candelaria, Quezon, at galing daw sa isang ektaryang niyugan niya ang pangunahing sangkap ng kanilang produkto.
Para patunayan na ligtas ang kaniyang lambanog, tumagay pa si Rey.
Hindi raw nila matukoy kung bakit may mga nalason at nasawi sa lambanog pero hinala ng abogado ni Rey, nasabotahe sila.
"May posibilidad, sabotahe siguro sa negosyo. Maaring mayroong tao o mga bagay na nakapagdulot ng ganyang kaperwisyohan," saad ni Atty. Crisostomo Buela, abogado ni Rey. "Maaaring kalaban sa negosyo, maaring kalaban sa personal na may galit."
Tiniyak naman nila na makikipagtulungan sila sa mga awtoridad at hindi nila tatalikuran ang kanilang responsibilidad.
Pero sinabi ni Buela, na may mga impostor na lumalapit na sila ay nasaktan o nagkaroon ng problema dahil sa naturang produkto nila kaya nag-iingat ang kaniyang kliyente.
Sa ngayon, tigil-operasyon ang pagawaan at wala pang katiyakan kung kailan ito muling papayagan.
Samantala, pinayuhan ng mga duktor ang iba pang nakainom ng katulad na lambanog na magpasuri sa ospital. --FRJ, GMA News