Tinatayang aabot sa 1,600 pamilya ang nasunugan sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City nitong Biyernes.

Ayon ito kay Mandaluyong City Fire Marshall Fire Superintendent Christine Cula.

May 700 na pamilya na ang nagpalista sa City Social Welfare nitong Biyernes ng gabi.

Labing-tatlo naman ang sugatan sa sunog na nagsimula ng 3 p.m.

Kabilang sa mga nasugatan ang 9-anyos na si Donmar Tabuquilde na pumutok ang ulo matapos mabagsakan ng timba habang tumutulong sa pag-apula ng apoy.

Nasa 400 na bahay ang natupok ng apoy.

Inabot ng walo't kalahating oras bago naapula ang sunog bandang 11:44 p.m.

Nagsimula raw ang apoy sa isang paupahang kuwarto.

Tukoy na ng mga bumbero ang may-ari nito pero inaalam pa kung paano sumiklab ang sunog.

Ayon kay Cula, mabilis na kumalat at lumaki ang apoy na umabot hanggang Task Force Alpha.

Yari kasi sa light materials ang mga dikit-dikit na bahay na sinabayan pa ng malakas na hangin.

Sa taas na alarma, kinailangan na ang tulong ng mga bumbero sa buong Metro Manila pati na ang mga naka-deploy sa Southeast Asian Games.

Nahirapan ang mga bumbero na pasukin ang mga nasunog na bahay dahil sa sikip ng mga daanan.

May pagkakataon pang kinailangan nilang pagdugtungin ang 18 na mga hose para lang maabot ang nasusunog na mga bahay mula sa trak ng bumbero.

Hindi raw kasi nila mabomba ng tubig ang mga bahay mula sa itaas dahil walang pagitan ang mga bubong ng mga nasunog na bahay.

Giniba naman ang isang gate ng Correctional Institute for Women (CIW) para makapasok ang mga residenteng tumatakbo sa apoy.

Napuno ang basketball court ng CIW ng mga apektadong residente at kanilang mga naisalbang gamit.

Wala namang preso na humalo sa mga ito dahil sabi ng mga guwardiya sa CIW, naka-padlock na ang mga kulungan nang buksan sa mga nasunugan ang compound.

Hindi rin inabot ng apoy ang CIW pero may mga ipinuwesto roong trak ng bumbero.

Problemado naman ngayon ang mga nasunugan lalo't magpa-Pasko pa naman.

May dumating namang kinatawan ng local government unit at nangakong magbibigay ng tulong pinansiyal sa mga nasunugan.

Target daw nilang hindi abutan ng Pasko sa mga evacuation center ang mga apektadong residente.

Nanunuluyan ngayon sa walong covered court ang mga nasunugan.

Tinatayang aabot sa P2 milyon ang halaga ng pinsala ng apoy. —KG, GMA News