Wasak matapos mabagsakan ng puno ang isang sasakyan sa Quezon City, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Lunes.

Suwerte na lang at walang nasaktan sa insidente na naganap sa kahabaan ng Scout Limbaga bago maghatinggabi kagabi.

Ayon sa mga residente, bigla na lang tumumba ang puno bagama't wala namang ulan o malakas na hangin.

Wasak naman ang unahang bahagi ng kotseng nabagsakan nito.

"'Yung kahoy naman bulok na yung mga ugat niya tsaka yung nakasandal sa pader. Wala siyang ugat na umilalim sa lupa na. So kahit konting hangin lang, puwedeng bumagsak na," sabi ni Ricky Arellano ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO).

Tinatayang nasa 30 taon na raw ang malaking punong ito kaya naging pahirapan ang pag-alis.

"Hindi kami nakapag-umpisa agad-agad kasi may live wire, so hinintay pa namin na i-clear ng Meralco bago kami kumilos," ani Arellano.

Wala namang napaulat na nasaktan sa insidente. —KBK, GMA News