Isang bloke ng marijuana na nagkakahalaga P120,000 ang nasabat sa dalawang lalaki sa Quezon City, ayon sa ulat ni Mariz Umali sa Balitanghali.
Kinilala ang mga suspek na sina Era Nes Almonte at Sid Rey Ganje.
Ang transaksyon ng droga ay nagaganap sa social media, ayon sa pulisya.
"Lumalabas na sila 'yung pinagdala nu'ng marijuana," ani Quezon City Police district commander Major Artemio Galicia.
Ibinabagsak lamang ng supplier sa basurahan ang marijuana at saka ito kukunin ng courier.
Itinanggi naman ng mga suspek ang pagtutulak ng droga.
"Sa akin po 'yan nakuha pero hindi po kami nag-aano niyan. Kami lang po 'yung nakipagkita," ani Almonte.
"Hindi po sa'kin 'yan sir. Sinama lang ako," idinagdag ni Ganje.
Iniimbestigahan pa raw ng mga pulis ang source ng dalawa.
Mayroon ring dalawang kilo ng marijuana na nasabat sa raid sa Candelaria, Quezon.
Natagpuan rin ang iba pang mga marijuana na nakatanim sa likod ng bahay.
Ayon sa pulisya, isang concerned citizen daw ang nagsumbong sa kanila.
Hindi naabutan ng mga pulis ang itinuturing na may-ari. May posibilidad daw na natunugan nito ang operasyon.
Isang call center agent naman ang arestado matapos umanong mahuli na mayroong P3.4 milyon na halaga ng shabu.
Ayon sa Philiipine Drug Enforcement Agency, matagal na raw nilang minamanmanan si Jonas December Batucan bago pa magkaroon ng transaksyon sa buy-bust.
Walang komentaryo si Batucan. —Joahna Lei casilao/LDF, GMA News