Inihayag ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. nitong Huwebes na umabot na sa $11 bilyon ang sapi o parte ng pamahalaan ng Pilipinas mula sa Malampaya gas-to-power facility hanggang nitong katapusan ng Agosto.
Ang naturang halaga ay "royalties" magmula nang umpisahan ang commercial production ng pasilidad noong 2001.
Bukod sa $11 bilyong pondo sa gobyerno, nakatipid din umano ang bansa ng nasa $8 bilyon sa energy imports dahil sa Malampaya.
Ang Malampaya gas-to-power facility ang nagsusuplay ng natural gas sa limang natural gas power plant sa Batangas, kabilang ang Sta. Rita (1,000 MW), San Lorenzo (500 MW), Ilijan (1,200 MW), Avion (97 MW), at San Gabriel (414 MW)— na kumakatawan sa halos kalahati ng pangangailangan ng Luzon power grid.
Dahil sa Malampaya, sinabi ng Pilipinas Shell na nagkaroon ng mas malinis na alternatibong fossil fuel kaya sa coal o uling.
Ang gas-to-power facility ay pinangangasiwaan ng Malampaya consortium na binubuo ng Shell Philippines Exploration B.V., Chevron Malampaya LLC, at PNOC Exploration Corporation.
Pero tinatayang tatagal na lang ang reserba ng Malampaya hanggang 2022-2024.
READ: Duterte signs Murang Kuryente Law
Kamakailan lang, pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Murang Kuryente Law na nagpapahintulot sa paggamit ng bahagi ng kita ng gobyerno sa Malampaya, na magiging daan para mabawasan ang singil sa kuryente. --FRJ, GMA News
