Naperwisyo na naman ang libu-libong pasahero ng MRT nitong Biyernes ng umaga nang matigil ang operasyon nito matapos mapatid at pumutok ang kable ng kuryenteng nagpapatakbo sa mga tren. Ang ilang pasaherong naipit sa loob ng bagon, hindi napigilang maiyak at mag-panic.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang dami ng tao na napilitang maghanap ng alternatibong masasakyan nang itigil ang operasyon ng MRT kaninang umaga matapos naputol ang overhead catenary system o OCS sa Guadalupe station-northbound.

Sa kuha ng cellphone video sa loob ng isang bagon, makikita ang tensyon at may naiiyak pang mga pasahero dahil hindi nila malaman ang kanilang gagawin nang hindi kaagad buksan ang pinto ng tren.

Nadidinig naman ang paliwanag na may nakalaylay umanong kable sa labas.
Nang buksan ang pinto, nagtakbuhan ang mga tao.

Dahil sa nangyari, may mga pasahero na hindi nakarating sa kanilang appointment tulad ng isang babae na may aaplayang trabaho.

May pasahero rin na masama ang loob dahil mababawasan ang kaniyang sahod dahil late na siya sa trabaho.

Kaniya-kaniya ring diskarte ang mga pasahero sa paghahanap ng alternatibong masasakyan tulad ng bus at pati na ang mga motorcycle taxi.

Bilang ayuda, nagpadala ng mga libreng sakay ang I-ACT, at nag-deploy naman ng mga bus ang MMDA.

Paliwanag ng pamunuan ng MRT,  naputol ang overhead catenary system at naayos naman pagkaraan ng ilang oras.

Dakong 5:00 p.m. nang bumalik sa normal ang operasyon ng MRT.

Aalamin naman daw ng MRT ang dahilan kung bakit naputol ang OCS, na huling nangyari umano tatlong taon na ang nakakaraan dahil sa pagtama ng isang kidlat. --FRJ, GMA News