Nabisto ang ilegal na pagpuputol ng mga puno sa ilang bahagi ng Palawan para umano magamit sa mga panibagong resort na itatayo sa lalawigan. Sa pagmamadaling tumakas ng mga nagpuputol ng mga puno, iniwan nila ang kanilang mga gamit tulad ng chainsaw.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing isa pa rin ang Palawan sa pinakasikat na tourist destinations sa Pilipinas.
Katunayan noong 2018, higit 1.8 milyon ang turistang bumisita sa mga nagagandahang mga isla at beach ng lalawigan. Mas mataas ito kumpara sa 1.4 milyon na turista naitalang nagpunta sa Palawan noong 2017.
Dahil sa pagtuloy na pagdami ng mga turista, hindi kataka-taka na dumami rin ang mga resort na itinatayo sa lalawigan. Pero mangangahulugan ito ng mga materyales na kakailangang gamitin sa konstruksyon.
At nitong Agosto, nadatnan ng mga tauhan ng Palawan NGA Network ang mga putol na puno sa kagubatan ng San Vicente sa Palawan na gagawan daw ng mga illegal loggers.
Sa Barangay Simpokan naman sa Puerto Princesa, pinutol ang malaking punong kahoy at pinagpira-piraso para panggamit sa construction.
Dinadala umano ang mga kahoy sa mga tinatayong bagong resorts na malapit sa dalawang lugar.
Sa pagmamadaling tumakas ng mga illegal logger, naiwan nila ang kanilang mga chainsaw.
Ayon kay Teofilo Tredez, ng Palawan NGO Network, sinasakay sa mga bangka ang pinira-pirasong puno at dindala sa lugar na may itinatayong maraming cottages.
Sabi naman ni Atty. Bobby Chan, ng Palawan NGO Network, "Almost all of the apprehensions are related to a booming tourist industry because the wood that is supplied are the ones commonly made for hard wood cottages and malleable woods for boats, tourist boats."
Puna pa ni Chan, wala silang nakikitang mga enforcer mula sa Department of Environment and Natural Resources para magbantay at habulin ang mga illegal logger.
"We don't see the enforcers of DENR, what we see there are the tribal people that report to us and that's why we have these chainsaws here," sabi niya.
Bukod sa usapin ng illegal logging, pinuna na rin noon ang iba pang nakasasama sa kalikasan ng Palawan na may kaugnayan sa turismo.
Ang El Nido, kasalukuyang sumasailalim sa rehabilitasyon dahil sa mga nakitang sari-saring paglabag ng mga resort at gusali na nagresulta sa maruming tubig at pagkasira ng mga beach at bundok.
Nabisto din ang mga kalsadang dumaan sa mga protected areas gaya ng mga bakawan.--FRJ, GMA News