Sa mga babae na busy pa sa career o may kinakaharap na isyung pangkalusugan kaya hindi pa handang mabuntis, huwag mag-alala dahil may paraan upang maipreserba ang egg cells na puwedeng gamitin sa hinaharap.
Sa ulat ng GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabing nauuso ngayon ang "egg freezing" sa mga kababaihan tulad ng mga celebrity.
Ilan sa mga celebrity na ang sumubok nito ay sina AiAi Delas Alas, Cristalle Belo at Divine Lee.
Ang egg freezing o "egg banking" ay isang medical procedure na kinukuha ang "egg cells" ng isang babae at pine-preserve para mapanatili ang pagiging "healthy" ng mga ito.
Ayon kay Dr. Rudie Frederick Mendiola, MD, may dalawang dahilan kung bakit pinapapreserba ng isang babae ang kanilang egg cells. Ito umano ay tinatawag na "medical" at "social" freezing.
"Kapag sinabing medical talagang may dahilan nai-freeze ang eggs ng babae. Example niyan, may cancer ang babae, inoperahan, mag-uunder go ng chemotherapy, kapag nag-chemotherapy, puwedeng mamatay ang eggs sa obaryo. So ang ginagawa, bago mag-chemotherapy, magha-harvest muna tayo ng itlog, ipi-freeze natin," paliwanag niya.
Ang social egg freezing naman ay para sa mga kababaihan na walang medical indication pero abala sa mga tungkilin at nais lang na preserve o patagalin ang kanilang fertility.
Kabilang umano ang mga babae na nakatuon ang atensyon sa career at ang mga wala pang makitang partner.
Batay umano sa mga pag-aaral, sinabi ni Mendiola, bumababa ng 15 percent ang tiyansa ng babae na magbuntis kapag tumuntong na siya sa edad na 36 hanggang 39.
"Kunwari 39-40, ikinasal ka, gusto mo magbuntis, you can try doing it naturally. Pero kapag nahirapan ka, puwede nating balikan yung mga eggs mo na naka-freeze," ayon kay Mendiola.
Magsisimula ang proseso ng egg freezing sa injectibles at pag-inom ng mga gamot na ibinigay ng doktor para lumaki ang follicle ng isang babae.
Kapag malalaki na ang mga ito, itatakda na ang pagkuha sa egg cells ng pasyente.
Pagkatapos, ilalagay na ang egg cells sa tangke para sa freezing and preservation.
Sa Pilipinas, umaabot umano ng mula P130,000 P150,000 ang presyo ng 'egg freezing' per cycle.
Pero paalala ni Mendiola, walang garantiya na ang mga nakulang itlog sa pasyente ay mabubuo at magiging baby.
"Hindi natin malalaman kung ano sa mga itlog na 'yon ang puwedeng maging baby. Kaya we try to get as much as we can," paliwanag niya. --FRJ, GMA News