Itataboy umano ng Pilipinas palabas ng teritoryo ng bansa ang mga barkong pandigma ng mga dayuhan na hindi nagpapaalam sa pamahalaan, ayon sa tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na nais umano ni Pangulong Duterte na humingi ng permiso sa gobyerno ang mga barko ng mga dayuhan kapag papasok sa karagatang sakop ng Pilipinas.

Kung hindi umano ito gagawin ng mga dayuhan barko, mapipilitan ang Pilipinas na kumilos ng "in an unfriendly manner."

Ang pahayag ay ginawa ng Palasyo kasunod ng napabalitang paglalayag sa karagatan ng Pilipinas nang walang paalam ng mga barkong pandigma ng China.

"To avoid misunderstanding in the future, the President is putting on notice that beginning today, all foreign vessels passing our territorial waters must notify and get clearance from the proper government authority well in advance of the actual passage," sabi  ni Panelo.

"Either we get a compliance in a friendly manner or we enforce it in an unfriendly manner," dagdag niya.               

Nang tanungin ng mga mamamahayag si Panelo kung ano ang "unfriendly manner," paliwanag ng opisyal, "We will have to stop them and tell them to move out."

"Before we never said anything, we just allow them and make protest but this time we will tell them ‘Please get out of our territory.’ That’s very unfriendly because we have not done it before,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Panelo na maaaring gamitin ang militar para itaboy ang mga sasakyang pandagat ng mga dayuhan kung kakailanganin.

"If it will have to take that, we will do it,” pagdiin niya.

Nang tanungin din kung handa ba ang pamahalaan na gamitin ang puwersa ng militar, sabi ni Panelo, "Well, I suppose."

Hindi binanggit ni Panelo kung ano ang dahilan kung bakit iniutos ni Duterte na dapat humingi ng pahintulot ang mga sasakyang pandagat na dadaan sa teritoryo ng Pilipinas gayung ginagawa na ito dati ng mga dayuhan, lalo na ang China.

“When you perform acts repeatedly, then it's about time to tell them to stop,” sabi ni Panelo.

Nitong Lunes, iniutos ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang paghahain ng panibagong diplomatic protest kaugnay sa ilang ulit umanong pagdaan ng Chinese warships sa karagatan ng Pilipinas.

Ayon kay Lieutenant General Cirilito Sobejana, commander ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command, dalawang Chinese warships ang nakita sa Sibutu Strait nitong Hulyo, at tatlo ang namonitor nitong Agosto.

Dati nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na apat na beses namang namataan sa Sibutu Strait noong Pebrero ang mga sasakyang pandigma ng China.

Paglalarawan ni Sobejana, armado ang mga barko ng China at hindi maituturing "innocent passage" ang kanilang pagdaan.-- FRJ, GMA News