Viral ngayon sa social media ang post ni Jessa Riosa tungkol sa asong na-trap sa sapa sa baba ng bahay nila sa barangay Holy Spirit, Quezon City nitong August 1.

Sa ulat sa 24 Oras Weekend, sinabi ni Jessa, buntis daw ang aso.

"Galing po siya sa likod ng sapa namin. Tapos po pinagbabato po sya ng mga bata. Kaya pumunta po sa harap namin," sabi niya.

Lagpas-tao raw ang riprap at tumataas ang tubig dahil sa tuloy-tuloy na pag ulan.

Apat na araw na raw sa kanilang lugar ang aso kaya nagpasya na siyang humingi ng tulong.

"Sabi ko, kawawa naman po. Tapos sabi ko, manghihingi po ako ng tulong sa barangay agad-agad. Then ayun nga po, nung tinawagan ko, sabi di raw po nila makukuha kasi nga daw po, wala silang gamit. Saka baka kagatin sila," aniya.

Laking pasasalamat daw niya nang may gumawa ng group chat kasama ang dalawang animal rescuers na sina Gemma Rubia at Phoebe Lao.

Nagpunta raw ang dalawa sa kanilang lugar para iligtas ang aso.

Tumagal daw nang dalawang oras ang rescue operations dahil takot na takot daw ito at nangangagat.

Agad daw dinala ang aso sa isang veterinarian para mabakunahan.

Nasa Cavite shelter na ito ngayon. — MDM, GMA News