Isang dalagitang estudyante ang nahuli-cam na hinoldap at nakuhanan ng cellphone ng isang lalaking sakay ng motorsiklo at armado ng baril sa Maynila. Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at nabaril ang suspek na natuklasan kinalaunan na baril-barilan lang para ang gamit.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang kuha ng CCTV nang holdapin ng suspek ang 16-anyos na estudyante habang naglalakad sa Sta. Ana, Maynila.
Wala nang nagawa ang biktima kung hindi ibigay ang kaniyang cellphone matapos siyang tutukan ng baril.
Kaagad namang nagsumbong sa Manila Police Station 6 ang biktima kasama ang kaniyang mga magulang kaya inabangan kung saan posibleng dumaan ang suspek.
Ilang oras lang ang lumipas, natunton ng mga nagpapatrolyang pulis ang suspek sa San Andres Bukid at kaagad nitong tinutukan ng baril ang mga awtoridad.
"Upon approach umatras pa yung suspect so naalarma na siya, bumunot siya ng kaniyang baril at tinutok na kay Police Corporal Vera. Doon pa lang, siyempre self-preservation, pinutukan [ng pulis] na yung suspek. Doon nalaglag yung bag na kalong kalong niya [ng suspek," ayon kay Police Lieutenant Albert Barot, station commander, PS-6-MPD.
Bagamat may tama, nakatakas pa rin ang suspek na nakilalang si Alfredo Aparis matapos siyang matunton sa isang ospital sa Makati.
Maliban sa cellphone ng biktima, nakuha rin ng mga awtoridad ang isang bag na pambabae na nalaglag sa kaniya nang mabaril. -- FRJ, GMA News