Ipinaliwanag ni dating Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada kung bakit hindi niya pinaalis sa panahon ng kaniyang termino ang mga illegal vendor sa lungsod na ginagawa ngayon ng pumalit sa kaniya na si Mayor Isko Moreno.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing hindi maiwasan ng mga tao na pagkumparahin ang administrasyon nina Estrada at Moreno sa Maynila, gaya ng pagpapaalis ngayon sa mga vendor at paglilinis sa ilang lugar.
"Nilinis naman natin pero kung ang sasabihin mo sa akin yung mga vendor na nilinis, inalis lahat eh hindi ko kayang gawin 'yon hanggang walang kapalit na hanapbuhay sila," paliwanag ng dating alkalde.
Patuloy niya, "Kayang-kaya utusan hindi ba sumunod ang pulis at mga bumbero? Orderan mo lang 'yan sandali lang yun, pero isipin ang damage na kawawa naman ang mahihirap. Biruin mo umaasa sa pagkain nila."
Binigyan-diin pa ni Estrada ang kasabihan na, "hungry stomach knows no law."
Nilinaw din ni Estrada na nililinis nila ang mga lugar tulad ng Bonifacio monument na ilang metro lang ang layo sa City Hall, kung saan nakayapag ng dumi ng tao si Moreno.
"Maganda yung pero nililinis din namin 'yon. I salute him for that na nalilinis niya. Hindi naman ako nagpapakita para magpakita na may ginagawa ako eh," sabi ng dating mayor.
Tinawanan naman ni Estrada ang sinabi ni Moreno na may nanunuhol umano ng P5 milyon para huwag pakialaman ang mga nakagawian nang kalakaran sa Maynila.
"Hindi masama ang magsinungaling para makasira lamang. Sino maniniwala P5 million a day?," tanong niya.
Ayon sa dating alkalde, inaksyunan niya nang may madinig siya noon tungkol sa umano'y organizer na namamahala sa mga illegal vendor na nagpapanggap na malakas sa city hall.
Hindi rin daw totoong walang naging turn over sa pagitan nila ni Moreno ng mga record sa city hall. Maging ang mga balitang hindi naibibigay ang mga allowance ng mga empleyado, hindi rin daw totoon.
"Bulagin ako, wala akong utang sa mga empleyado, may advance pati sa mga pulis," sabi niya.
Sa ngayon, pahinga raw muna sa pulitika si Estrada at maaari lang daw siyang kumandidato muli kapag mano-mano na uli ang proseso ng halalan.--FRJ, GMA News