Inalis sa puwesto at nahaharap ngayon sa reklamong administratibo ang hepe ng Eastern Police District (EPD) dahil umano sa pananakit at panggigipit sa isang babaeng pulis na mas mababa ang ranggo sa kaniya.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang pananakit umano ni EPD Director Police Brigadier General Christopher Tambungan sa babaeng pulis noong Mayo 12.
Makikita sa CCTV ng San Juan PCP 1 ang sasakyan ni Tambungan na nakahinto sa tapat ng presinto at sinenyasan si Police Corporal April Santiago na lumapit sa kaniya.
Pero ilang saglit pa, hinampas ni Tambungan sa ulo si Santiago.
Sa kabila nito, nanatili sa kaniyang kinatatayuan si Santiago pero sinalya ni Tambungan ang pinto ng sasakyan na tumama sa police woman kaya ito napaatras.
Mahigit isang buwan mula nang mangyari ang insidente, ngayon lang nagkaroon ng lakas ng loob si Santiago para iparating sa tanggapan ni NCRPO Chief Major General Guillermo Eleazar ang nangyari.
Nakiusap ang babaeng pulis na huwag ipakita ang kaniyang mukha sa camera para sa kaniyang seguridad.
Ayon kay Santiago, nagre-request umano noon si Tambungan na mabigyan siya ng police assistance patungo sa isang restaurant sa lugar. Ngunit hindi kaagad nasunod ang hiling ng opisyal dahil naka-deploy umano ang mga kasamahan nila dahil sa election period.
"Naghahanap po siya ng motorsiklo na maghahatid sa kaniya, ang sabi ko po wala pong available sir... Nagalit na po agad siya sa akin, sinapok niya po ako sa ulo," sabi ni Santiago.
Gayunman, naibigay pa rin daw ang hiningi ni Tambungan ngunit inalis at inilipat daw sa EPD headquarters si Santiago kinabukasan. Dito ay muli raw siyang pinag-initan ni Tambungan at mahigit tatlong linggo siyang hindi pinahintulutang mag-day-off.
Sinampahan din siya ng kasong administratibo dahil sa hindi umano niya pagtulong sa kanilang District Director at ininsulto.
"Baog daw ako sir, dapat daw tinutuli ako mga ganu'n sir mga ganu'ng salita tapos puro P.I. na mura sir," sabi pa ni Santiago.
Nitong Hunyo, nakapagpalipat sa Southern Police District si Santiago.
Nakita na ni Eleazar ang video at narinig ang paglalahad ng babaeng pulis.
"Incriminating evidence ito eh... Because of this one, eh minabuti ko na temporary ire-relieve natin siya... Nandito ako bilang Regional Director na magbibigay ng proteksyon sa lahat ng kasamahan natin na tingin natin is inaapi so itatama natin 'yan. But just like what I've said meron tayong imbestigasyon na gagawa, due process para sa lahat," sabi ni Eleazar.
Ngayong naisumbong na ni Santiago ang kaniyang opisyal, sinabi niya na gumaang na ang kanilang pakiramdam.
"Gumaan po 'yung pakiramdam ko na dati parang stressed na stressed ako araw-araw kakaisip," sabi ni PCPL Santiago.
Siniguro ng NCRPO na magiging patas ang kanilang imbestigasyon sa insidente.
Sinusubukan naman ng GMA News na kunan ng pahayag si Tambungan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News