Nakunan ng CCTV sa Pasay City ang sapilitang pagpapasakay sa kotse ng mga lalaki sa isang lalaki na kanilang hinabol. Ayon sa ilang saksi, tila mga Chinese ang mga sangkot sa insidente.



Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita ang kuha sa CCTV ng Barangay 76 sa kanto Don Hernandez at FB Harrison Streets sa Pasay City kung saan nagkaroon muna ng habulan.

Sa video, makikitang sumabit pa sa isang delivery van ang biktima pero hinabol pa rin siya ng mga suspek na sakay ng itim na kotse.

Nang kanilang abutan ang biktima, sapilitan nila itong isinakay sa kotse.

Tinangka naman ng driver ng van na harangin ang kotse pero lumabas ang driver ng sasakyan at may iniabot sa driver ng van kaya pinayagan na silang umalis.

Natunton ng GMA News ang driver ng delivery van na si Joel Abellar, at sinabi nitong mga Chinese ang mga taong sangkot sa insidente.

Inamin din ni Abellar na pera na nasa P7,000 ang iniabot sa kaniya ng driver ng kotse.

"Siningil ko po kasi 'pag hindi ko siya siningil pinakawalan ko wala eh 'di ako magbabayad [sa parte ng van na natamaan],” ani Abellar. “Nasa pitong libo po mahigit 'yun.”

Iniimbestigahan na ng Pasay City police ang mga sangkot sa insidente pero hanggang ngayon ay wala pa raw nagtutungo sa kanilang tanggapan para magreklamo.

Tinutunton pa rin daw nila ang kotseng ginamit ng mga lalaking sapilitang nagpasakay sa lalaking hinabol.

Hinahanap din nila ang security guard na nakunan sa CCTV na walang ginawa at hindi nagreport sa pulisya habang nagaganap ang insidente.

Nakikipag-ugnayan na rin daw ang Pasay police sa Chinese Embassy at sa Chinese business community sa Pasay tungkol sa nangyari.

Maliban sa CCTV footages ng barangay, humingi na rin ang pulisya ng mga kuha ng CCTV sa malapit na casino sa lugar na posibleng pinanggalingan ng hinahabol na biktima.

Ayon sa pulisya, may nauna na rin daw na insidente kung saan dinudukot umano Chinese ang kanilang mga kababayan kapag hindi nakakabayad sa kanilang mga nautang para magka-casino. --Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News