Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, napag-alamang ang driver na pinagbabato ng mga residente sa Maynila dahil sa pang-aararo ng mga sasakyan noong isang linggo ay sangkot din sa ilang insidente ng pamamaril at posibleng may kinalaman sa pagkawala ng ilang TNVS driver.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ng pulisya ang suspek na si Frankie Mark Tolentino Serrano, na dawit din umano sa mga shooting incident sa Cavite.
Nasangkot sa aksidente si Serrano noong Mayo 7 sa area ng Malagasang sa Imus kung saan may nakasagian siyang truck.
Makikita sa CCTV na kalmado pa si Serrano habang kinakausap ang driver at pahinante ng truck.
Ngunit ilang saglit ang lumipas, sumakay ng kotse si Serrano, bumwelta at maya-maya pa, pinutukan na ng ilang beses ang driver at pahinante. Hindi nasapul ang driver pero tinamaan sa binti ang pahinante.
"According doon sa investigation namin, parang hindi siya iniintindi ng mga kausap niya, sabi noong witness, 'Ayaw niyo akong anuhin, hindi niyo pala ako kilala,' sabay namaril na," ayon kay Police Lieutenant Colonel Jun Alamo, chief of police ng Imus Cavite.
Mayo 2 naman, nasangkot din si Serrano sa pamamaril sa isang gasolinahan sa area ng Anabu-Dos sa Imus pa rin.
"Ayaw magbayad ng nagpakarga, tapos noong nag-imbestiga kami, the same plate number 'yung nasabi ng witness natin na katugma du'n sa namaril sa Malagasang," sabi pa ni Police Lieutenant Colonel Alamo.
Base sa parehong insidente, ang ginamit na kotse ni Serrano ay ang sasakyang ninakaw umano mula sa Grab driver na si Lawrence Fajardo na hinahanap pa rin hanggang ngayon.
Abril 27 nang iulat na nawawala si Fajardo at ang kaniyang sasakyan.
Nag-iimbestiga ngayon ang pulisya kung sangkot din si Serrano sa pagkawala ni Fajardo at ng dalawa pang Grab driver na kinilalang sina Manuel Alegria Almodin noong Abril 26, at Maria Christina Palanca nitong nakalipas na mga linggo.
"Talagang ito ay notoryus eh, palagay ko dito malaking grupo. Carnapper, at the same time ang mabigat doon, 'yung mga driver talagang nilulubog niya, talagang matindi ang lakad ng tao na ito," saad pa ni Alamo.
Bukod dito, nakuha rin sa body cam video ng isang Manila Traffic and Parking Bureau enforcer ang paninita niya kay Serrano, na kitang-kita ang mukha at ang pagsibat matapos sitahin.
Ito aniya ang traffic violation na tinakasan ni Serrano bago siya makabangga ng ilang sasakyan at tao sa may Nagtahan interchange, kaya siya pinagbabato ng mga residente doon.
Natunton ng GMA News ang tirahan ng suspek at nakapanayam ang kaniyang ina.
Ayon sa ina ng suspek, ilang araw nang hindi umuuwi si Serrano matapos ma-TV."Siyempre po masakit, sobra. Dahil hindi ako makapaniwala, 20 years old lang siya eh."
Hindi raw sa kaniya lumaki si Frankie pero mali raw na paratangan ang anak na miyembro ng sindikato.
Nangako ang ina sa mga pulis na siya mismo ang magsusuko sa anak sa oras na magparamdam na ito sa kaniya sa lalong madaling panahon.
"Panawagan ko po, mag-ingat siya at sana sumuko. Kaso I tried na talaga, kino-contact ko po siya, pero ayaw niya, kasi mamamatay lang din daw po siya," saad ng ina ni Serrano. —Jamil Santos/LDF, GMA News